ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Labis-labis na gastos umano sa pagkain ng tanggapan ng Sec. Paje ng DENR, pinuna ng COA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umabot umano sa mahigit P22 milyon ang ginastos ng tanggapan ni Environment Secretary Ramon Paje para ipambayad sa mga kinontratang catering services, gayung P704,000 lamang ang inilaan na pondo para dito noong 2012.
 
Sa ipinalabas na ulat ng Commission on Audit (COA) sa naging gastusin ng DENR-OSEC (Office of Secretary), lumitaw na gumagastos ang tanggapan ng P550 hanggang P600 per head na four to five-course lunches sa mga isinagawang pagpupulong.
 
Bukod pa rito ang isinisilbing "snacks" na umaabot sa P120 hanggang P174 bawat isa.
 
Nakita rin ng COA ang iba pang pang-aabuso ng tanggapan ni Paje tulad ng pagsisilbi ng almusal sa pulong kahit nagsimula na ito ng 9:00 a.m. Nagbibigay din umano ang tanggapan ng morning snacks at tanghalian kahit sinimulan ang pulong pagkalipas ng 12:00 ng tanghali.
 
At kahit tumagal lang ng isa o dalawang oras ang "“routine/ordinary meetings," nagsisilbi pa rin sila ng miryenda.

“The failure of DENR-OSEC to observe economy measures in the disbursements of food/catering services during conferences and routine/ordinary meetings resulted in over-expenditures of P21,383,358.45 or 3,037 percent,” puna ng COA.

Pinuna rin ng COA ang pagkuha ng DENR-OSEC ng dalawang caterer para sa pagkain ng mga dumalo sa World Water Day celebration at IP Phones User’s Training.  Pero, ang pagkain na isinilbi umano ng mga caterer ay mga packed snacks na binili lamang sa dalawang kilalang fastfood chain.
 
Dahil nagkaroon ng "middlemen," mas lumaki umano ang gastos sa pagkain sa halip na direkta na lamang bumili sa fastfood outlets ang ahensiya.
 
Bukod dito, sinabi sa ulat ng COA na hindi rin dumaan sa public bidding ang pagkuha ng serbisyo ng mga caterer.
 
Sa isang ulat ng GMA news 24 Oras, sinabi ni DENR Usec. Analisa Teh, na hindi tama ang expenditure classification na nakita ng COA. Hindi lang naman daw sa pagkain at representation napunta ang pondo.
 
Idinagdag pa niya, na ang isang malaking gastos na umabot ng P15 milyon ay pondo para sa pagdaraos ng isang pandaigdigang komperensiya na inaprubahan umano ng Tanggapan ng Pangulo.
 
Iginiit din ng opisyal na hindi kalabisan ang mahigit P22 milyon ginastos sa pagkain dahil kasama rin umano dito ang iba't ibang departamento sa Central Office at karamihan sa mga Regional Offices.
 
Sa kabila nito, nagpalabas ng bagong patakaran ang ahensiya tungkol sa pagbili at pagsisilbi ng mga pagkain. -- FRJ, GMA News