ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pamamaril sa loob ng pampasaherong bus sa Cebu, 1 ang patay, 3, sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang lalaking pasahero ang nasawi, habang tatlong iba pa ang nasugatan sa insidente ng pamamaril sa loob ng isang pampasaherong bus sa San Fernando, Cebu nitong Lunes.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, kinilala ang nasawing biktima na si Ariel Gomez.

Ayon sa konduktor ng bus, unang sumakay ang suspek sa lugar na hindi kalayuan kung saan sumakay naman si Gomez.



Nang makasakay na si Gomez, bigla naman umanong pumara ang hindi pa nakikilalang suspek.

Ngunit bago bumaba ng bus, ilang beses nagpaputok ng baril ang suspek sa direksiyon na kinaroroon ni Gomez.

Tinamaan sa ulo si Gomez na sanhi ng agad niyang pagkamatay at nasugatan naman ang tatlo pang pasahero na dinala sa ospital.

Tumakas ang suspek gamit ang isang motorsiklo na inagaw niya sa daan nang bumaba ng bus.

Ayon sa ama ni Gomez na kasama ring pasahero sa bus, wala siyang alam na kaaway ng anak.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo ng krimen. -- FRJ, GMA News