Air Force, bumili ng mga chopper na kayang umatake sa gabi
Kinumpirma ng Philippine Air Force nitong Huwebes ang pagbili nila ang walong bagong attack helicopter na mayroong night vision capability.
“Apparently, the contract has been signed and that is just one step further in the acquisition process. The final step would be the delivery as stipulated in the contract,” nakasaad sa ipinadalang text message sa GMA News Online ni Air Force spokesman Col. Miguel Okol.
Idinagdag ng opisyal na bukod sa night-vision capability, mayroon ding mas mahusay na kagamitan ang mga bibilhing helicopter na wala sa mga kasalukuyang chopper ng PAF.
Ang AW109 Power ay three-tonne class eight-seat twin engine helicopter, na mayroong kombinasyon ng mga weapon system, ayon sa supplier na Agusta Westland.
“The acquisition of the AH (attack helicopter) brings to light a much welcome capability to PAF. It will complement the existing fleet of MG520’s and add punch to our close air support assets,” ayon kay Okol. “It will primarily be in the ISO (internal security operations) role.”
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Agusta Westland, na sa susunod na taon sisimulan ang delivery ng walong AW109 Power light twin helicopters.
“These aircraft will be used to perform a range of duties including homeland security, armed reconnaissance and close support… The contract also includes initial logistics support and training for aircrew and maintenance personnel,” makasaad sa pahayag nito.
Kinumpirma naman ni Defense Undersecretary Fernando Manalo na ang Agusta Westland ang magiging supplier ng naturang mga helicopter.
Sa sandaling dumating ang mga helicopter, ilalagay ang mga ito sa Sangley Point sa Cavite.
Bago nito, kumuha rin ang Philippine Navy ng tatlong AW109 helicopter sa unang bahagi ng taong ito, ayon sa Anglo-Italian helicopter company.
Sinabi ni Navy spokesperson Gregory Fabic na darating ang mga helicopter sa Disyembre.
Sa kaniyang talumpati sa SONA noong Hulyo, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na palalakasin niya ang puwersa ng Air Force fleet sa pamamagitan ng pagkuha ng mga attack helicopter at long-range patrol planes.
Ang pondo para sa pagkuha ng mga bagong kagamitan ng PAF ay bahagi ng P75 bilyong modernization fund na inilaan sa Armed Forces of the Philippines. — FRJ, GMA News