Ilang kabahayan sa Iloilo, mistulang nagutay kay 'Yolanda'; ginang sa Capiz, nanganak sa evac center
Damang-dama sa lalawigan ng Iloilo ang lakas ng bagyong "Yolanda" na nagpabagsak sa maraming puno at sumira sa ilang kabahayan. Sa Roxas City, Capiz, isang sanggol na lalaki ang pinangalanang "Yolando" matapos isilang sa isang evacuation center.
Sa ulat ni Charlene Belvis ng GMA-Iloilo sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kabuwanan na ni Rachel Roco, 27-anyos, nang abutan ng panganganak sa tinuluyang evacuation center nitong Huwebes ng gabi.
Masuwerteng may komandrona sa evacuation center kaya maayos na naisilang nito ang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang "Yolando," na hango sa bagyong si "Yolanda."
Dakong 10:00 a.m. umano nitong Biyernes nang maramdaman ang matinding hagupit ni "Yolanda" sa Iloilo. Unang nahagip ng bagyo ang mga bayan sa 3rd, 4th at 5th district ng lalawigan.
Sa lakas ng hanging taglay ng bagyo, maraming puno ang nabuwal at ilang kabahayan ang napinsala at nawalan ng bubungan.
Libu-libong residente rin ang lumikas at nagtungo sa mga evacuation center mula pa nitong Huwebes gabi para makaiwas sa kapahamakan.
Sa inisyal na ulat, maraming lugar ang nawalan ng suplay ng kuryente, at isang eskwelan sa bayan ng Januiay ang sinasabing naapektuhan ng landslide.
Isa ang iniulat na namatay matapos makuryente sa bayan ng Calinog.
Ayon sa Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office, dakong 3:00 p.m. nitong Biyernes nang tuluyang makaalis sa lalawigan ang bagyo.
Naging kalmado na rin ang panahon sa lungsod at bahagya na lamang ang pag-ulan pagsapit ng gabi. -- FRJ, GMA News