ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mommy Dionisia, hinahabol na rin umano ng BIR


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maliban kay Pambansang Kamao at Saranggani Rep. Manny Pacquiao, pinaiimbestigahan na rin umano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanyang ina na si Dionisia Pacquiao kaugnay sa kasong tax evasion na kinahaharap ng boksingero.

Sa ulat ni Jennifer Solis sa Balita Pilipinas ng GMA News TV, inihayag ni Mommy Dionisia ang kanyang hinanakit sa kinahaharap na kaso ni Pacquiao, na umano'y nagsilbing inspirasyon sa maraming Pilipinong nabiktima ng bagyong Yolanda nang manalo ito sa laban niya kay Amerikanong Brandon Rios noong Linggo.

"Kapag nakikita ko siya sa interview, naaawa ako sa anak ko. Wala akong tulog kagabi, iyak ako. Syempre, nanay ako, naapektuhan ako, nakakaawa naman anak ko," sabi niya.

"'Yung pera sa bangko, hindi naman masyadong kalaki. Mas malaki pa ang hinihingi sa BIR, unya ang perang kanyang tinipon, maliit pa naman gali na. Bakit pinakialaman. Grabe naman sila uy," dagdag niya.

Ayon kay Mommy Dionisia, maliban sa kanyang anak, hinahabol na rin umano siya ng BIR at pinagbabayad umano ng buwis.

"Nagalit ako dahil pati nanay sinisingil ako. Ngano man, naa ba ko'y income? Diba nakita ninyo, anong income ko dito? Wala man ko trabaho. Wala man kong establisyamentong gipatayo para sa'kin, walang mang pangalang Mommy D. Gitaw-an [pinagtawanan] nako ang BIR," iginiit niya.

Kinukwestiyon rin niya ang paghabol ng BIR sa kanyang anak.

"Kasi, ganoon ang ginagawa nila dahil naghirap na ang Pilipinas. Bakit? Naghirap na ang Pilipinas, bakit naghirap ang Pilipinas? Kay daming korakot sa gobyerno. Daming korakot sa gobyerno, korapsyon ang gobyerno," she said.

Nauna nang sinabi ng BIR na may iregularidad sa pagbabayad ng buwis ni Pacman, ayon sa ulat.

Sa isang press conference noong Martes, sinabi ni Pacquiao na "frozen" ang kanyang mga bank account kaugnay ang kinahaharap niyang kaso at kinailangan pa niyang manghiram ng pera upang tulungan ang mga biktima ng Yolanda.

Mga empleyado, apektado

Dahil sa pag-freeze ng ilan sa kanyang bank accounts, naapektuhan umano ang mga negosyo ng pamilyang Pacquiao, ayon sa ulat.

Ayon kay June Frances Animas, general manager ng Roadhaus Hotel na pinagmamay-ari ni Pacquiao, lubos na naapektuhan ang financial activity ng kanilang negosyo.

"Now with this looming taxation issue with our boss, Manny Pacquiao, definitely we are affected, lalo na kung matuloy. Maraming employees ang maapektuhan, baka mawalan ng work," aniya.

Samantala, nanawagan si Jinkee, asawa ni Pacquiao, na huwag nang i-freeze ang kanilang mga account.

"Syempre, tayo, nagbabayad tayo ng tax, may income tayo, babayaran naminn iyon. Pero huwag naman i-hold 'yung account na hindi kami makagalaw. Madami kaming suswelduhan, madami kaming gustong tulungan. Gusto namin tumulong, hindi kami makagalaw dahil kasi nga, hinold 'yung ano namin..." aniya. — Amanda Fernandez/BM, GMA News