Alkalde ng Urbiztondo, Pangasinan, dinakip ng NBI sa loob mismo ng kaniyang bahay
Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang alkalde ng Urbiztondo, Pangasinan dahil sa pag-iingat umano ng mga hindi lisensiyadong matataas na kalibre ng baril. Sa ulat ng GMA News TV's "State of The Nation with Jessica Soto" nitong Miyerkules ng gabi, sinabing hindi bababa sa 16 na matataas na kalibre ng baril ang nakuha ng mga tauhan ng NBI sa bahay ni Mayor Ernesto Balolong Jr. Pero iginiit ng alkalde na lisensiyado ang mga baril niya, at ginagamit niya ang mga ito bilang proteksiyon sa sarili at pamilya. Gayunman, nanindigan naman ang mga operatiba ng NBI na hindi lisensiyado ang ibang baril ng alkalde kaya inaresto nila ito para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon. "Demolition job noon pa po... kaya awa ng Diyos ako po ay kampante na dito po sa aming bayan ngayon, dito po sa bahay ko na-search na 'to walang-wala pong iregularidad dito," pahayag ng alkalde. Isasailalim umano ng NBI sa ballistic examination ang mga baril ng alkalde para malaman kung nagamit ang mga ito sa iligal na mga gawain. -- FRJ, GMA news