ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dalawang taxi driver, suspendido matapos mangontrata ng pasahero


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang taxi driver mula sa Metro Manila ang sinuspindi ng Land Transportation Office matapos mahuli na nangongontrata ng mga pasahero. Bukod sa isang buwang suspension, pinagbabayad din ng P1,200 ang dalawang taxi driver, ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa programang “24 Oras” nitong Lunes. Kapag mahuli pa ulit ang dalawang driver, tuluyan nang ipapawalang-bisa ang kani-kanilang lisensya. Umaabot sa 100 taxi driver ang nahuhuli ng LTO araw-araw dahil sa iba’t ibang uri ng paglabag sa batas trapiko. Ngunit pagdating umano ng Disyembre umaabot sa 200 hanggang 300 daan ang nahuhuli. Ang nangungunang violation ng mga taxi driver ay ang pangongontrata sa mga pasahero. Kaya naman simula nitong Sabado, ipinatupad na ng LTO Law Enforcement Service ang “Oplan Isnabero” na nanghuhuli ng mga taxi driver na namimili ng pasahero. “Para po sa siguridad ng mananakay at para po sa publiko po ito,” ani Mohammad Yusoph Lamping, direktor sa Law Enforcement Service ng LTO. Kung may mga reklamo ang mga pasahero ukol sa mga taxi na sinakyan nila, maaaring tumawag sa (02) 927-1851. — Rouchelle R. Dinglasan/DVM, GMA News