Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Venus Raj to host travel-inspirational show 'Business Flight' for GMA News TV

December 8, 2013 2:43pm
Lilipad patungong Nagoya, Japan, noong Sabado, December 7, ang former Bb. Pilipinas-Universe Maria Venus Raj para mag-shoot ng ilang episodes para sa kanyang bagong show para sa GMA News TV na pinamagatang "Business Flight."

Ang Business Flight ay isang travel-inspirational show dahil hindi lang ito magpapakita ng mga magagandang tanawin sa iba’t ibang bansa kundi may kuwento pa mula sa mga Pinoy na naging matagumpay sa kani-kanilang pagsusumikap sa mga bansang bibisitahin ng beauty queen/TV host.

“This is my first time to host a travel show kaya sobra akong excited.

“Matagal din akong napahinga sa pag-host ng isang TV show kaya noong dumating ang opportunity na ito to host and at the same time travel for free, yes agad ang sagot ko.

“Pero aside from the perks, nagustuhan ko ang concept ng show.

“Hindi lang siya yung typical na travel show kasi maipapakita natin ang ilang mga kababayan natin na naging successful sa kanilang buhay sa bansang bibisitahin namin.

“Kaya magiging inspirasyon iyon para sa marami nating mga kababayan, lalo na yung mga nagsisimula pa lang sa kanilang mga buhay sa ibang bansa.

“Walang imposible kapag tayo ay masipag at patuloy na mangangarap,” panimulang pahayag ni Venus nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) bago siya umalis patungong Japan.

Priorities in Manila. Pero dalawang araw lang si Venus sa Nagoya dahil sa klase niya sa University of the Philippines kunsaan naka-enroll siya sa kursong Community Service. Nakatakda rin niyang tapusin ang kanyang indie film na Ang Tweet Ni Florante Kay Laura.

“Kaya walang time ako na mamasyal pa or mag-shopping sa Nagoya dahil paspasan ang pag-shoot namin ng dalawang episodes.

“Kailangan ko ring makabalik kasi may classes pa ako sa UP. Plus may iba pa akong commitments like yung indie film na malapit nang matapos at ilan pang mga raket.

“Sayang nga kasi gusto ko rin magtagal sa Japan pero pressed for time tayo kaya siguro next time na lang ako babalik ulit ng Nagoya,” ngiti pa niya.

Co-host. Makakasama ni Venus bilang co-host sa Business Flight ang businesswoman/TV producer na si Cristina Decena.

Natuwa raw si Cristina nang malaman niyang si Venus Raj ang kanyang makakasama dahil kelan lang daw ay napanood niya ang kuwento ng buhay ni Venus sa Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN.

Naka-relate raw ang kontrobersyal na businesswoman sa buhay na pinagdaanan ni Venus.

Tulad ni Venus, hindi naging mabilis ang pag-asenso ng buhay ni Cristina. Dumaan din siya sa maraming pagsubok at naging malungkot din ang ilang bahagi ng kanyang buhay.

Bagamat naging matagumpay siya sa kanyang mga negosyo, hindi naman ito pinalad sa kanyang mga relasyon, kabilang na ang action star na si Phillip Salvador at ang komedyanteng si Ariel Villasanta.

Ikinasal si Cristina kay Ariel noong November 2010, at naghiwalay sila matapos ng dalawang taong pagsasama.

Nitong nakaraang Agosto ay nakaligtas si Cristina at ang kanyang mga kasambahay sa isang mapanganib na ambush attempt na naganap sa Quezon City.

Inspired by Venus's life story. Pero dahil sa pinagbutihan niya ang kanyang trabaho, natupad niya ang kanyang mga pangarap at nakaranas siya ng tagumpay katulad ng nangyari kay Venus.

Ayon kay Cristina, “Ang isa sa nagustuhan ko sa life story ni Venus ay ang pagmamahal na binibigay nito sa kanyang ina.

“Napanood ko kung gaano niya kamahal ang mother niya. Magkatabi pa rin silang matulog sa iisang kama.

“Kaya naman successful siya sa buhay dahil pinahahalagahan niya ang mga taong malapit sa puso niya tulad ng kanyang ina.

“At kitang-kita mo na very humble siya. Nakatapak pa rin sa lupa ang mga paa niya kahit na sikat na sikat na siya.

“Nakakatuwang malaman na hindi niya pinagiba ang lumang bahay nila sa probinsya. Kahit na pinagawan na niya ng malaking bahay ang family niya, nandoon pa rin at tanaw nila ang lumang bahay nila.

“Ang ganda ng sinabi ni Venus na kaya hindi niya ito pinagiba ay dahil gusto niyang magsilbing inspirasyon nila ang bahay na iyon; na kaya sila nagkaroon ng maganda at malaking bahay at dahil sa nagsimula sila sa maliit na bahay.

“Kaya naman proud ako to work with her kasi pareho kaming matapang at independent na babae.

“Hindi kami basta nagpapatalo sa pagsubok ng buhay. Laban lang kami nang laban hanggang sa mapagwagian namin ang anumang pagsubok.

“At tulad nga ni Venus, galing din ako sa hirap. Nagsumikap ako at ang naging malaking suporta ko sa buhay ay ang aking ina na hanggang ngayon ay kasama ko sa aming bahay at ako naman ang nag-aalaga,” kuwento pa ni Cristina.

Ang Business Flight ay mapapanood sa GMA News TV sa January 2014. PEP.ph
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus