Kampo ni Gloria Arroyo, may hiling sa Sandiganbayan ngayong Pasko
Naghain ng urgent motion sa Sandiganbayan ang kampo ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo para hilingin na luwagin ang oras ng mga bumibisita sa kaniya sa disperas at araw ng Pasko, at sa disperas at araw ng Bagong Taon.
Sa 10-pahinang mosyon na inihain sa korte ni Atty Maria Rosario del Rosario, abogado ni Arroyo, sinabi nito na ibinasura ng PNP-Police Security and Protection Group (PSPG) ang kanilang kahilingan na payagan magpalipas ng magdamag sa nabanggit na apat na araw ang mga miyembro ng pamilya ng dating lider.
Basahin: Dapat bang payagang makauwi ng kaniyang bahay ngayong Pasko si Gloria Arroyo?
Reklamo nila, mula noong nakaraang Disyembre 9, hanggang 9:30 p.m. na lamang pinapayagan ang mga dalaw ni Gng Arroyo. Maging ang mister umano nito na si dating First Gentleman Mike Arroyo ay kasama sa paghihipit ng mga awtoridad.
Kasalukuyang nakaditene sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City si Gng Arroyo dahil sa mga kinakaharap nitong mga kaso kabilang na ang pandarambong.
“With the denial by the PSPG of accused GMA’s appeal…(she) is left with no other plain, speedy and adequate remedy to make come true her fervent wish that she, like all members of the closely-knit Filipino families, be able to spend quality time with members of her family…except recourse to this Honorable Court,” paliwanag ng kampo ng dating pangulo sa inihaing mosyon.
Ipinaliwanag din nila na batay sa payo ng mga duktor, makatutulong umano sa paggaling ni Gng Arroyo ang ibinibigay na suporta ng kaniyang pamilya.
Matatandaan na ilang ulit inoperahan si Gng Arroyo dahil sa problema nito sa buto sa leeg.
Idinagdag ng kampo ng dating pangulo na ang kahilingan nila sa korte ay alang-alang sa diwa ng Pasko na pagmamahalan at pagbibigayan. -- RP/FRJ, GMA News