Vocational student sa Davao City, binaril sa kalye, patay
Dead-on-the spot ang isang vocational student matapos siyang barilin sa ulo ng isang lalaki habang naglalakad sa Aquino Street, Davao City.
Sa ulat ni Marlon Palma-Gil ng GMA-Davao sa "Balita Pilipinas Ngayon" ng GMA News TV nitong Martes, sinabi dinatnan ng mga awtoridad ang duguang bangkay ng biktimang si Elger Montenegro, 26-anyos, sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Isang tama ng bala sa ulo mula sa hindi binanggit na kalibre ng baril ang tumapos sa buhay ng biktima.
Batay sa nakalap na impormasyon ng pulisya, sinabing isang hindi pa nakikilalang lalaki ang lumapit sa biktima at pinaputukan ito sa ulo.
Hinala ng lola ng biktima, posibleng may kinalaman sa krimen ang pagiging miyembro ng kaniyang apo ng isang progresibong grupo.
Nagpahayag umano ang mga kaanak ng biktima na hindi na magsasampa ng kaso sa hindi pa nakikilalang salarin dahil sa paniwalang hindi nila makakamit ng hustisya. Sa kabila, iginiit ng pulisya na pagsisikapan nilang matukoy ang suspek at sila na ang magsasampa ng kaso. -- FRJ, GMA News