Mag-asawa at apo, patay nang makuryente at masunog sa nakalaylay na live wire
Patay ang isang mag-asawa at kanilang tatlong-taong-gulang na apo sa Bolinao, Pangasinan nang makuryente at nasunog ang mga biktima matapos sumabit sa nakalaylay na live wire sa kalsada.
Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing halos hindi na makilala ang tatlo sa tindi ng pagkakasunog sa katawan.
Ayon sa pulisya, sakay ng motorsiklo mag-asawang biktima na sina Elmer at Jing Odero at kanilang apo, at binabagtas ang kalsada ng barangay Ilog-Malino nang sumabit sila sa nakalaylay na kable ng kuryente.
Sinabi ni P/C Insp. Marcos Anod, hepe ng Bolinao Police, naputol ang kawad ng kuryente dahil sa lakas ng hangin.
Tinatayang 13,000 boltahe ng kuryente ang taglay ng naputol na kable kaya matindi ang pagkakasunog ng mga biktima maging ang kanilang motorsiklo.
Wala pang opisyal na pahayag na ibinigay ang Pangasinan Electric Cooperative pero pinag-aaralan na raw ang ibibigay na tulong sa mga biktima. -- FRJ, GMA News