GMA News Online
NewsTV
»
Reel Time

Reel Time

Ang pag-aaruga ni Dungkoy para sa kanyang mga lola

December 23, 2013 7:58pm

Tags: Laguna
Karaniwan, ang mga nakatatanda ang nag-aalaga sa mga nakababatang miyembro ng pamilya. Sila ang nagpapakain, nagpapaligo, at nagtatrabaho para sa kapakanan ng mga bata.

Ganito rin ang ginagawa ni Dungkoy para sa kanyang pinakamamahal na miyembro ng pamilya. Ang pinagkaiba lang niya sa karaniwan, 9 taong gulang pa lamang siya. At ang kanyang inaalagaan: ang kanyang paralisadong lola.

Ipinakita sa programang “Reel Time” kung paano niya itinataguyod ang sitwasyong ito, lalu pa’t siya na lang ang inaasahan ng kanyang 50-anyos na Lola Nonita.


“Kapag may naglalaro d’yan, tapos ikaw wala kang laruan, ‘yung lola mo inaalagaan mo—hindi ka ba maiinggit ng ganoon? Ako naiinggit,” kuwento ni Dungkoy.

Biktima ng bagyong Ondoy sina Dungkoy. Nang masira ang kanilang bahay, ni-relocate sila sa Calauan, Laguna. Dito sila nakatira ngayon ng kanyang lola. Mula noon, hindi na raw siya kinukumusta ng kanyang mga magulang.

“Para bang tinapon na lang sila dito, nag-iwan lang ng P50 at telephone number kung sakaling may nangyari sa matanda,” pahayag ng Block Leader ng barangay na si Aling Sally.

Sa kuwento raw ng kanyang lola noong ito ay nakapagsasalita pa, 2 taong gulang pa lamang daw si Dungkoy nang iwan ito ng kanyang nanay. Ang paalam daw nito, magtatrabaho lang at babalik sa sumunod na linggo. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring magulang na bumabalik para kay Dungkoy.

Hindi nakatungtong ng paaralan si Dungkoy, pero marunong itong magbasa. Ang paborito niyang basahin ay ang “Alamat ng Ampalaya.” Kuntento na raw siya rito kahit na punit-punit na ang kanyang kopya ng libro.
 

Kumikita ng pera si Dungkoy sa pamamagitan ng paghuhugas ng pinagkainan sa kalapit na karinderya. P10 hanggang P15 ang ibinabayad sa kanya ni Aling Kit, ang may-ari ng karinderya. “Para mayroon siyang pambili ng tinapay. Pinapakain ko na rin siya bago ko siya bigyan ng pera.”

Binibigyan din siya ng kanyang kapitbahay na si Aling Agnes ng almusal araw-araw. Kung minsan naman, pumupunta siya sa regular na feeding program sa kanilang lugar para makikain.
 

 
Bago umuwi galing sa karinderya, nag-iigib ng balde ng tubig si Dungkoy para mapaliguan ang kanyang lola. Sa kanyang maliit na pangangatawan, mag-isa niyang binubuhat ang kanyang Lola Nonita. “Hirap na hirap din ako kasi mabigat siya.”

Walang bahid ng pagseselan niyang binibihisan ang kaniyang nanghihinang lola. “Kasi siya rin ang nag-alaga sa akin noong bata pa ako, eh. Hindi ako nag-iinarte, okay lang sa akin ‘yun. Kasi siya na lang ang tangi kong pag-asa, eh.”
 

 
Tanging ungol na lamang ang paraan ng komunikasyon ni Lola Nonita, pero hindi nito napipigilan ang pagkakaintindihan ng mag-lola.
 

 
Bukod kay Lola Nonita, may isa pang lolang kinakalinga si Dungkoy—si Lola Romana. Palagi niya itong binibigyan ng natira niyang pagkain na galing sa feeding program. “Para bang magkatulad kasi sila [ni lola],” paliwanag ni Dungkoy.

Sa kabila ng pagmamagandang-loob ni Dungkoy sa kanyang mga nakatatanda, hindi maiwasang mag-alala sa kanya ang mga namumuno sa lugar. “Sana nag-aaral siya, eh mostly nandoon sa mga lola niya. Para bang nakakulong si Dungkoy,” sabi ni Aling Sally.
 

Pero kailanman daw, hindi inisip ni Dungkoy na siya ay nakakulong dito dahil si Lola Nonita na lang ang kanyang pamilya. Sabi nga ni Aling Sally, “hindi niya talaga iniiwanan ang lola niya, kahit ganoon ang sitwasyon nila.”

Katunayan, ang karamihan sa mga hiling ni Dungkoy ngayong Pasko ay para sa kanyang lola. “Ang gusto ko sa pasko ay suklay, suyod, alcohol, at tsaka gumaling si lola.” Maging ang tanging hiling niya na para sa sarili—ang bisikleta—hiniling niya upang maging mas madali ang pagkuha niya ng pagkain sa feeding program. Isabelle Laureta/CM, GMA News

Sa mga nais mag-abot ng tulong kina Dungkoy, maaaring makipag-ugnayan sa Executive Producer ng episode na ito na si Cris Sto. Domingo sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa aming Facebook page.

Mapanonoood ang Reel Time tuwing Linggo, alas-9 ng gabi sa GMA News TV. Sundan ang aming Facebook at Twitter accounts para sa mga updates tungkol sa mga susunod o nakaraang na episodes.

Tags: Laguna



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
Reel Time on Facebook
Reel Time on Twitter
advertisement
advertisement
advertisement