GMA News Online
Showbiz

Ang simpleng panawagan ni Rep. Manny Pacquiao

December 27, 2013 3:43pm


 
Masasabing isa nang institusyon si Sarangani Rep. Manny Pacquiao. Sa larangan ng boksing, nakaukit na kaniyang pangalan bilang kaisa-isang naging world champion sa walong magkakaibang debisyon. Pagdating naman sa pagmamalasakit at pagtulong sa kapwa, numero uno rin ang tinaguriang Pambansang Kamao at People’s Champ ng Pilipinas.

Kamakailan, nagbigay muli ng karangalan sa bansa si Manny nang talunin niya si Brandon Rios sa kanilang laban noong Nobyembre 24 sa Macau. Ngayon, ibang klaseng laban naman ang isinusulong ni Manny -- ang pagbibigay pag-asa sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Kabilang si Manny sa mga Kapuso stars na nagbigay ng kanilang oras at talento para sa music video ng “Bangon Kaibigan”, isang awiting inilikha ni Janno Gibbs para sa Yolanda survivors.

“Isang karangalan ko na bahagi ako doon sa kanta na alay para sa mga nasalanta ng typhoon sa Visayas area at masaya ako,” wika ng Saranggani representative.

Ayon kay Manny, naiintindihan niya ang nadarama ng mga kababayan natin sa Eastern Visayas, kaya handa siyang magbigay ng tulong sa abot ng kanyang makakaya.

Aniya, “Doon sa mga binagyo, ako ang makapagsasabi na yung sitwasyon nila…naaawa ako sa sitwasyon nila. Siyempre, nawalan sila ng mga bahay. Feel na feel ko yung nararamdaman nila kasi diyan ako nanggaling sa mga pinakamahirap na pamilya.”

Maaari rin daw tayong tumulong kahit sa ating munting paraan.

Magkaisa tayong lahat. ‘Yung piso o limang piso na ihuhulog ng mga kababayan natin, kung magkakaisa ‘yan, malaking bagay iyan,” panawagan niya.

Pagpapatuloy ng fighting congressman, “Hindi lang pagkain ang kailangan nila dahil unang una, nawalan sila ng bahay. This time around, suportahan natin pati ang gobyerno natin. Actually, nagtra-trabaho sila para bigyan ng pabahay ang ating mga kababayan doon. Tulungan din nating mga mamamayan.”

Maaari nang i-download ang “Bangon Kaibigan” sa iTunes at OPM2GO. Ang mga pinirmahang “Tibay ng Pusong Pilipino” shirts na ginamit sa “Bangon Kaibigan” music video ay kasalukuyang pinapa-auction. Lahat ng makakalap na pondo ay mapupunta sa Yolanda relief efforts ng GMA Kapuso Foundation. --  Samantha Portillo/Bochic Estrada, GMANetwork.com
Go to comments


yolanda ruins


We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus