Natutulog na sanggol, patay sa tama ng ligaw na bala sa Ilocos; isa pang bata, kritikal
Isang tatlong-buwang-gulang na sanggol ang nasawi matapos tamaan sa ulo ng ligaw na bala na tumagos sa bubungan ng kanilang bahay sa Ilocos Sur. Isa pang bata na natutulog din ang kritikal dahil sa iresponsableng nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa 2014.
Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing natutulog ang sanggol na si Von Alexander Llagas katabi ang ama sa kanilang bahay sa Caoayan, Ilocos Sur nang lumusot sa bubungan na gawa sa yero ang bala.
Sapul sa ulo ang sanggol na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Kabilang si Llagas sa tinatayang 22 katao na nabiktima ng ligaw na bala sa pagsalubong sa bagong taon, ayon sa Philippine National Police.
Sa Laoag, Ilocos Norte, nakikipaglaban naman sa kamatayan ang isang dalawang-taong-gulang na bata na tinamaan din ng ligaw na bala habang natutulog sa kanilang bahay.
Kritikal ang kalagayan ng biktima dahil sa tama ng bala sa sentido.
Nakaligtas naman ang isang 14-anyos na lalaki na biktima rin ng ligaw na bala sa Bantay, Ilocos Sur.
Mapalad ang biktima na sa braso lang bumaon ang bala pero hindi pa niya maigalaw ang kaniyang kaliwang kamay. -- FRJ, GMA News