ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, bumanat vs 'utak wang-wang'; hirit ng pangulo, nasaksihan ni Mayor Binay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa harap ng mga tao na kinabibilangan ni Makati Mayor Junjun Binay, muling binanatan ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang mga "utak wang-wang" o mga taong abusado at hindi sumusunod na batas sa lansangan.

Sa kaniyang talumpati sa inagurasyon ng bagong traffic control system  sa Metro Manila Development Authority sa Makati City nitong Miyerkules, pinaalalahanan ni Aquino ang publiko na sumunod sa batas bago pa sila makunan sa camera at pagbayaran ang kanilang kasalanan.

“Kaya de-kotse ka man, de-motor, o tumatawid lang sa pedestrian lane—sumunod nawa tayong lahat sa mga patakaran. Huwag na nating hayaang mahuli pa tayo ng opisyal o ng camera, at humarap sa parusa, bago matutong sumunod sa batas at sistema,” paalala ng pangulo.

Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon si Mayor Binay, na kamakailan lang ay nasangkot sa kontrobersiya matapos hindi payagan ng mga security guard ng Dasmariñas Village sa Makati na makadaan ang kaniyang convoy sa Banyan gate.

Matapos ang nabanggit na pagtitipon, sinabi ng alkalde na hindi naman siya "feel alluded to" sa naging laman ng talampati ni Aquino.

“It's a general statement given by the President. I don't feel alluded to. Sumusunod po tayo sa kagustuhan ng Pangulo,” ayon kay Binay, anak ni Vice President Jejomar Binay.

Hindi rin naman partikular na binanggit ni Aquino sa talumpati ang pangalan ng alkalde pero idinaan niya ang paalala para sa lahat ng mamamayan na sundin ang patakaran sa lansangan.

“Kahit pa minsan, natutukso tayo—dahil na rin siguro sa init ng ulo o sa inip sa kalsada—huwag sana natin itong gawing dahilan upang baluktutin ang batas, o lusutan ang sistema. Para rin naman ito sa kapakanan ng bawat isa sa atin, di po ba?" ayon sa pangulo.

Dagdag pa ni Aquino, maging siya na pinakamataas ng lider ng bansa ay sumusunod  batas trapiko mula nang manungkulang pangulo. (Basahin: MMDA: Aquino's 'leadership by example' vs wangwang paying off)

“Alam kong hindi lang pansariling oras ang mahalaga, kaya nagbibigay-daan tayo at nirerespeto ang oras ng iba. Pero hindi po ibig sabihin niyan na ipinapasa na natin ang pribilehiyong ito sa iba. Kasi, alam po ninyo, wala pa rin pong lisensya ang sinuman na pairalin ang utak wang-wang, at maghari-harian sa daan,” giit niya.

Ayon kay Mayor Binay, ginagawa niya ang lahat para maging magandang halimbawa sa kaniyang mga kababayan.

“Ako po bilang punong-lungsod ng Makati, kailangan po maging ehemplo po tayo diyan.  Makati for many years has been a model for good governance,” pahayag ng alkalde. — FRJ, GMA News