GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Wine at oral sex sa unang pagkikita nila ni Deniece, ayon kay Vhong Navarro

January 29, 2014 6:12pm

Deniece files rape raps vs Vhong
Deniece files rape raps vs Vhong . Deniece Cornejo is accompanied by her legal counsel Atty. Howard Calleja (left) at the Taguig Hall of Justice on Wednesday, January 29, to file a rape complaint against actor Vhong Navarro. Navarro, who was mauled by Cornejo's friends inside her condominium unit on the night of the supposed rape attempt, has denied the allegation. Danny Pata
Idinetalye ng aktor na si Vhong Navarro sa kaniyang sinumpaang salaysay na isinumite sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nangyari sa dalawang beses na pagkikita nila ni Deniece Cornejo sa condominium unit nito sa Taguig City. Kabilang dito ang umano'y nangyaring "oral sex" sa kanilang dalawa noong Enero 17.
 
Ang naturang sinumpaang salaysay ni Vhong ang isinama ng National Bureau of Investigation sa paghahain sa Department of Justice nitong Martes ng mga reklamong serious illegal detention, serious physical injury, grave threat, illegal arrest, at coercion, laban kina Deniece, Cedric Lee, Bernice Lee, Ferdinand Guerrero, Zimmer Rance, alias Mike, John Doe, at Peter Doe.
 
Basahin: Raps filed vs. Vhong Navarro's attackers

Sa salaysay ni Vhong, sinabi nito na nagkakilala sila ni Deniece dalawang taon na ang nakakaraan. Naging magkaibigan ang dalawa matapos na magpalitan ng cellphone number at sa pamamagitan ng Facebook.

 
Pero natigil din umano ang kanilang komunikasyon at muli silang magkaugnay dalawang buwan na ang nakalilipas. Hanggang sa maitakda ang una nilang pagkikita sa condo unit ng dalaga sa Taguig City noong Enero 17.
 
Sa salaysay, sinabing nakaubos sila ng isang boteng wine at pagkatapos nito ay may nangyari sa kanilang dalawa ni Daniece.
 
“After consuming one bottle of white wine, they made out and it led to oral sex where Deniece Cornejo repeatedly inserted in her mouth the private part of the victim,”  nakasaad sa salaysay ni Vhong.
 
Nang umalis na si Vhong sa condo unit, nagtext pa umano ang dalaga sa aktor at sinabihan siyang “Badboy ka.”
 
Sinagot naman daw ito ni Vhong ng “Sorry talaga.”
 
Sa nakaraang panayam kay Deniece, sinabi ng dalaga na nagkwentuhan lang sila at walang nangyari sa kanila ni Vhong noong Enero 17. (Basahin: Hirit ng babae sa Vhong Navarro issue: I'm ‘innocent’ and ‘a victim’)
 
Ang ikalawang pagkikita
 
Sa salaysay ni Vhong, nangyari ang pambubugbog sa kanya ng ilang kalalakihan sa pangalawang pagkikita nila ni Deniece sa condo unit nito noong Enero 22.
 
Matapos kumain kasama ang ilang kaibigan sa The Fort, nagtungo na umano si Vhong sa condo ni Deniece alinsunod sa napagkasunduan nilang dalawa.
 
Nang makarating sa condo, dumiretso umano si Vhong sa unit ni Deniece batay na rin
sa naging utos ng dalaga. Pagpasok ng aktor sa condo unit, umalis naman daw si Deniece sa unit at 'di nagtagal ay may dalawang lalaking biglang sumulpot mula sa kwarto ng dalaga.
 
“Two male individuals came out of the room of Ms. Cornejo, one pointed his gun at the victim. The two simultaneously threw punches at the victim’s face and body,” ayon  pa sa salaysay.
 
Matapos itulak pababa ng sahig ang aktor, tinalian umano ng mga ito ang kamay at paa ng aktor at nilagyan din ng takip ang kanyang mata. Narinig umano ni Vhong ang pagpasok ng mas maraming tao sa condo unit at tumulong ang mga ito upang gulpihin siya.

Basahin: Ilang mga larawang hango sa CCTV bago at matapos mabugbog si Vhong Navarro
 
Ibinaba rin daw ng mga suspek ang short ni Vhong at nakalabas ang maselang bahagi ng kaniyang katawan. Habang ginagawa umano ang pambababoy sa kaniya, may kumukuha naman video at inirerecord ang mga pangyayari.
 
Pinilit din umano ng mga kalalakihan ang aktor upang sabihin ang mga katagang: “Ako si Vhong, ni-rape ko ang kaibigan ko.”
 
Sinaktan din umano siya nang magkamali sa kaniyang sinabi.
 
Umabot umano sa hanggang sa P2 milyon ang hiningi ng grupo kay Vhong sa pangakong hindi lalabas ang video. Pumayag umano ang aktor at isinakay na siya sa sasakyan at nagtungo sa isang presinto para magpa-blotter.
 
Kasama rin umano sa pangako ng mga lalaki kay Vhong na hindi rin lalabas ang blotter.
 
Nang ibalik umano ng mga salarin ang cellphone ng biktima, nabura na ang mga usapan nila ni Deniece sa kanyang cellphone.
 
Sa nakaraang panayam kay Cedric, pinabulaanan nito ang mga paratang ni Vhong at sinabing binaliktad ng aktor ang mga pangyayari. (Basahin: Cedric Lee: 'Ikaw pa nagpalaki nito, binaliktad mo pa kami ngayon')
 
Kampo ni Denise, nanindigan sa isyu ng 'rape'
 
Samantala, nanindigan naman ang kampo ng 22-anyos na si Deniece na nabugbog si Vhong dahil sa tangkang panggagahasa sa kaniya.
 
Nitong Miyerkules ng hapon, isinampa na ni Deniece at abogado niyang si Howard Calleja ang kasong rape at hindi attempted rape laban sa aktor.
 
Paliwanag ni Calleja, maituturing panggagahasa na ang ginawa ni Vhong sa kaniyang kliyente kahit walang penetration o pagpasok ng maselang bahagi ng lalaki sa maselang bahagi ng babae.

Basahin: Rape case vs Vhong, isinampa na ni Deniece; may penetration o wala, rape 'yon, ayon sa abogado
 
“Noong nalahad sa amin ang mga facts, ang mga katunayan, upon our own evaluation, we found out there was rape committed nong Wednesday, January 22,”  pahayag ng abogado sa programang “Unang Balita” nitong Miyerkules.
 
“Dati ho ang rape merong penetration, may contact, 'yong talagang pumasok. Ngayon, dumampi lang 'yan sa kahit anong bagay or ganon ng mga participant doon, 'yan ay kasama na ng rape,” paliwanag nito.
 
“Sabi ko huwag na natin [pag-usapan] ang detalye dahil masalimuot, siguro sa korte na lang para bigyan ng privacy at galang 'yong babae dahil mahirap din umamin ng rape kasi reputasyon mo ang nilalaban diyan,” dagdag pa niya.
 
Patuloy pa ni Calleja, kung may nangyari man o wala kina Vhong at Deniece sa unang pagkikita nila noong Enero 17, wala umano itong bigat sa kasong rape na isasampa nila dahil hindi naman ito nangyari sa parehong araw.
 
“Sabihin mo man na may nangyari o wala, a no is a no. ‘Pag sinabi mong hindi mo gusto, hindi mo gusto… Pag ang babae tumanggi, wala tayong magagawa. Huwag nang ipilit. Galangin po natin ang mga kababaihan,” paliwanag nito.
 
Sa hiwalay na panayam kay Calleja, iginiit din niya na nabugbog si Vhong ng mga kaibigan ni Deniece bilang reaksiyon nila sa ginawang panghahalay umano ng aktor. -- RRD/FRJ, GMA News




advertisement
advertisement
advertisement