7, patay sa drug raid sa Davao City; droga mula sa ibang bansa, nakapasok daw sa lungsod
Pito ang nasawi nang mauwi sa barilan ang isinagawang drug raid ng mga awtoridad sa Davao City nitong Biyernes. Naaresto rin ang mahigit 30 katao na hinihinalang sangkot sa pagtutulak at paggamit ng iligal na droga sa lungsod.
Sa ulat ni Helen Quiñanola ng GMA-Davao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabi na ang pagsalakay sa 26 kabahayan sa coastal area sa barangay Ilang, Davao City ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police at Philippine anti-Drug Enforcement Agency.
Pakay ng pagsalakay na isilbi ang search warrant sa mga kabahayan na sinasabing pugad umano ng bentahan ng iligal na droga sa lugar.
Pero nauwi sa barilan ang raid na nagresulta sa pagkasawi ng pito katao. Ang isa sa mga napatay, may hawak pang granada.
Naaresto naman ang 35 katao, kabilang ang dalawang menor de edad.
Isang Korean national din ang nadakip sa lugar at umamin na nagtungo siya sa lugar para sumubok gumamit ng iligal na droga.
Bukod sa mga pakete na hinihinalang may laman na shabu, may nakuha ring mga tuyong dahon ng marijuana at mga baril.
Maliban sa barangay Ilang, may iba pa raw lugar sa lungsod ang minomonitor ngayon ng mga awtoridad dahil sa kalakalan ng iligal na droga.
Ayon kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte, may nakapasok na iligal na droga sa lungsod mula sa ibang bansa.
Sinabi ng alkalde na sa kalidad ng mga droga ay makikita na hindi gawa sa bansa ang mga ito. -- FRJ, GMA News