Vhong Navarro, binuweltahan si Roxanne Cabañero
Pormal nang sinagot ng aktor at television host na si Vhong Navarro ang reklamong panggagahasa na isinampa sa kanya ng dating beauty pageant contestant na si Roxanne Cabañero.
Naghain din si Vhong ng reklamong perjury laban kay Roxanne, bukod sa counter-affidavit na isinumite nitong Huwebes sa Pasig Prosecutor's Office, ayon sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas."
Inalmahan ni Navarro ang umano'y paglalarawan sa kanya ni Roxanne bilang masamang tao.
Nais rin ng aktor na lumabas ang katotohanan kasabay ng paggigiit na wala siyang ginawang krimen.
Wala pang pahayag ang kampo ni Roxanne sa inihaing reklamo ni Vhong pero ilang beses na niyang iginiit na pinagsamantalahan siya ng aktor.
Isinampa ni Roxanne ang reklamong panggagahasa noong Pebrero matapos maghain ng kaparehong reklamo si Deniece Cornejo laban kay Navarro sa Taguig Prosecutor's Office.
Nauna nang kinuwestyon ng kampo ng aktor ang paiba-ibang umanong pahayag ni Roxanne hinggil sa insidente. -- Amita Legaspi/FRJ, GMA News