ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1 pang lalaki na tulak daw ng shabu sa Davao city, napatay; suspek, pang-15 na ngayong taon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isa na namang itinuturong tulak ng iligal na droga sa Davao City ang namatay matapos na manlaban umano sa mga awtoridad nitong Miyerkules ng madaling-araw.

Sa ulat ni Rose Vernales ng GMA-Davao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing dead on the spot ang itinuturong tulak ng droga na si Noel Generala.

Ayon sa pulisya, nanlaban si Generala nang aarestuhin na sa Ulas, Davao city matapos isagawa ang buy bust operation ng mga awtoridad.

Nagtamo ng limang tama ng bala sa katawan si Generala. Nakuha sa kanya ang anim na pakete na may laman na pinaniniwalaang shabu, baril at mga bala.

Si Generala na ang pang-15 na suspek sa sangkot umano sa iligal na droga ang napatay ng mga awtoridad ngayon taon matapos daw na manlaban.



Muli namang iginiit ng pulisya ng Davao city na lehitimo ang lahat ng kanilang operasyon at seryoso sila sa pagsugpo sa iligal na droga sa lungsod.

Samantala, sa isa pang buy bust operation, buhay naman na naaresto si Virgillo Gallo.

Nakuha sa suspek ang anim ding pakete na umano'y may lamang shabu.

Pero itinanggi nito na nagbebenta siya ng droga pero inamin niyang gumagamit siya nito.

Arestado rin sa isa pang buy bust operation  si Mark Yoy Pangeran. -- FRJ, GMA News