ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vhong Navarro, nakapuntos sa kaniyang mga kaso vs Cedric Lee, Deniece Cornejo group


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakapuntos si Vhong Navarro sa mga kaso nito sa Department of Justice (DOJ) matapos na ibasura ng piskalya ang rape complaint na isinampa laban sa kaniya ni Deniece Cornejo, habang inirekomenda naman na isampa sa korte ang inihain niyang serious illegal detention at grave coercion charges laban sa grupo nina Deniece at Cedric Lee. Batay sa 42 pahinang resolusyon ng DOJ, sinabing nakitaan ng sapat na basehan ang reklamo ni Vhong para irekomenda na iakyat sa korte ang kasong serious illegal detention at grave coercion laban kina Deniece, Cedric, Bernice Lee, Simeon Raz, Jose Paolo Gregorio Calma, Ferdinand Guerrero at Sajed Fernandez Abuhijleh. Basahin: Raps filed vs. Vhong Navarro's attackers Ang kaso ay batay sa naganap na pambubugbog umano ng grupo ni Cedric kay Vhong na naganap sa tinutuluyang condo unit ni Deniece sa Taguig City noong Enero 22. Nauna nang ipinaliwanag ni Cedric na nasaktan nila si Vhong matapos na maaktuhang hinahalay umano ni Vhong si Deniece. Sakabila ng paliwanag ng kampo nina Cedric at Deniece, mas kinatigan ng DOJ ang bersiyon ni Vhong at mga katibayang iprinesenta ng National Bureau of Investigation, kabilang na ang mga kuha sa CCTV camera ng elevator sa condo building. Binigyan-bigat din ng DOJ ang alegasyon na humingi ng pera kay Vhong ang kampo nina Deniece at Cedric batay na rin umano sa naging palitan nila ng mga text messages. Basahin: Lee, Cornejo insist on rape claim vs. Navarro at DOJ prelim probe Ipinaliwanag noon nina Cedric na ang perang hinihingi nila kay Vhong ay danyos sa mga nasirang gamit sa condo ni Deniece at sa ginawa umano nitong pang-aabuso sa dalaga. Sa panayam kay Justice Secretary Leila de Lima, sinabi nito na nagdesisyon ang DOJ panel, na napagkaitan ng kalayaan si Vhong nang pagtulungan siya ng grupo ni Cedric. "Yung grave coercion din para sa panel klarado dahil pinilit siya (Vhong) na aminin na ni-rape daw niya si Deniece. Again he was just forced to admit it, because andiyan ang able-bodied men na mga bumubugbog sa kanya," paliwanag ng kalihim. Ayon pa kay De Lima sa ilalim ng Section 248 ng Revised Penal Code, walang piyansang nakalaan sa kasong serious illegal detention. "Lalo na in this particular case, it is attended by circumstances of infliction of serious physical injuries and grave threats, and the element of extortion, which in the view of the panel is tantamount to ransom," anang opisyal. Walang rape Kaugnay nito, ibinasura naman ng DOJ ang reklamong rape na isinampa ni Deniece kay Vhong dahil sa kawalan ng ebidensiya. Kabilang sa ginamit na dahilan ng DOJ sa pagbasura ng reklamong rape ay ang kawalan umano ng mga nakarinig sa kaguluhan at sigawan sa building kung totoo na may naganap na panggagahasa. Ang naturang desisyon ng DOJ ay ikinatuwa ni Vhong at emosyunal na magpasalamat sa mga sumuporta sa kaniya nang magsalita ito sa kaniyang noontime show. Hinarap ang ikatlong rape complaint   Samantala, naghain na rin si Vhong nitong Huwebes ng counter-affidavit kaugnay sa ikatlong reklamong panggagahasa na isinampa sa kaniya ng isang stunt woman sa Quezon City Prosecutors Office. Basahin: Third rape complaint filed vs. Vhong Navarro Sa ulat ng GMA News TV's “Balitanghali,” sinabing sinamahan si Vhong sa piskalya ng kaniyang abogado na si Atty. Alma Mallonga, dakong 11:00 a.m. Ayon umano kay Mallonga, mahirap paniwalaan ang alegasyon ng stunt woman dahil kaya nitong idipensa ang sarili dahil sa pagiging judo practitioner. Sa naunang ulat na lumabas, sinabing nangyari ang pang-aabuso umano ni Vhong sa stunt woman noong 2009 nang magkatrabaho sila sa isang television series. Isa pang reklamong panggagahasa ang kinakaharap ni Vhong na isinampa naman ng dating beauty contestant na si Roxanne Acosta Cabanero, na nangyari umano noong 2010. FRJ, GMA News

Tags: vhongnavarro