Wowie de Guzman, 'di naghahanap ng sisisihin sa biglaang pagpanaw ng asawa
Nagpapakatatag ang dating aktor at miyembro ng dance group na Univesal Motion Dancer na si Wowie de Guzman sa biglaang pagpanaw ng kanyang misis. Sumakabilang-buhay ang maybahay ni Wowie na si Sherryl Ann isang buwan makaraan nitong isilang ang kanilang panganay na anak na si Alex Rafael noong March 27. Sa ulat ni GMA stringer Rommel Ramos sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ng aktor na hindi niya inakalang magiging maigsi ang kanilang pagsasama ng babaeng hinangad niyang makasama ng habambuhay. Kwento ni Wowie, nitong nakaraang Sabado ay bigla na lang daw tila na choke ang kaniyang asawa ilang minuto matapos uminom ng gamot na pain reliever. "Nakita ko may kinuha siya tapos may ininom siyang gamot inassume ko na yun ang pain reliever, 'yon lang naman ang iniinom niya e. Tapos 'yon humiga siya. Tapos after five to ten minutes may sound lang ako na narinig na parang nag-choke siya," ayon kay Wowie. Agad daw niyang isinugod sa ospital si Sherryl pero hindi na siya umabot pa nang buhay. Basahin: Wowie de Guzman's wife dies one month after giving birth Dagdag nito, wala naman daw inirereklamong karamdaman ang kaniyang misis maliban sa pagtaas ng blood pressure nito. "Prior sa panganganak niya tumataas yung 'bp' niya. Itong week na ito dahil busy siya kakahanap ng mga like for example catering mga ganun, parang napagod yata siya...tapos ang ginawa namin pinacheck up na namin nagpa-ct scan na rin, wala namang nakita," patuloy ni Wowie. Masakit man para kay Wowie ang maagang pagpanaw ng asawa pero kailangan daw niyang tanggapin ang pangyayari. "Hindi kami naghahanap ng masisisi or ano, para sa amin although nagulat kami talaga kasi ang lakas lakas niya biglaan, naisip namin na talagang siguro talagang kinuha lang siya ng Panginoon sa amin," ayon sa dating aktor. Sa ngayon, ang mahalaga raw ay maging matatag siya at gamitin niyang inspirasyon ang naiwang bunga ng kanilang pagmamahalan. "Ang plano ko is tuparin lahat ng gusto niyang pangarap para sa anak ko, of course, yun lang priority ko sa buhay ko, yung anak ko," pahayag ni Wowie. -- FRJimenez, GMA News