ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Zoren Legaspi, nahaharap sa reklamong tax evasion ng BIR


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinampahan ng reklamong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ang aktor na si Zoren Legaspi.

Kabilang si Zoren, mister ni Carmina Villaroel, sa limang tao na kinasuhan ng BIR na bahagi ng Run After Tax Evaders o RATE program ng BIR, ayon sa ulat ni Claire Delfin sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Huwebes.

Nakasaad sa reklamo ng BIR, na hindi umano nagbayad ng tamang buwis si Zoren noong 2010 at 2012 na aabot ng P4.45 milyon, kasama na ang surcharges at interests.

Batay sa pag-aaral ng BIR, lumabas na kumita umano si Zoren ng P9.64 milyon noong 2010 at P6.49 milyon naman sa 2012. Subalit ang idineklara lang niyang taxable income ay P6.79 milyon noong 2010 at P1.82 milyon noong 2012.



Ang ginawa umano ng aktor ay paglabag sa Sections 254 at 255 ng  National Internal Revenue Code of 1997, o ang Tax Code.
 
Maliban kay Zoren, sinampahan din ng reklamo dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis ang mga negosyanteng sina Gigi Donaire Chua, Edgardo Vasquez, Constantino Llanes, at Benedicto Pasco Caguimbal.

Iginiit ni BIR Commissioner Kim Henares, na wala silang pinipiling sektor sa ginagawang paghabol sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Nagpaalala rin si Henares sa mga miyembro ng showbiz na sikat sila at madaling makita kung magkano talaga ang kanilang kinikita kaya mas mabuting magbayad umano ang mga ito ng tamang buwis.

Sinisikap ng GMA News na makuha ang panig ni Zoren, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA News