Chito Miranda, sinurpresa ang nobyang Neri Naig
Engaged na ang Parokya ni Edgar lead vocalist Chito Miranda at nobya nitong si Neri Naig. Kinuntsaba pa ni Chito ang ilan niyang kaibigan para maisagawa ang kaniyang romantic proposal.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing kakaiba at engrande ang ginawang proposal ni Chito noong Linggo, May 7.
Upang hindi raw makahalata si Neri ang plano, kunwari'y kinuha siya ni Chito para mag-appear sa isang music video na ang lokasyon ay sa isang farm sa Tagaytay.
Kinagabihan sa shooting, lumabas si Chito na may dalang bulaklak at lumuhod sa harapan ni Neri at nag-alok ng kasal.
Sa sobrang pagkabigla at tuwa, hindi na napigilan ni Neri na maiyak. Umiiyak ding nakaluhod si Chito habang hinihingi ang kamay ng girlfriend.
Mabilis na naging viral sa Youtube ang wedding proposal video.
Nitong nakaraang taon lang nang masangkot ang magkasintahan sa isang iskandalo nang mag-leak ang sa kanilang private videos.
Hiningi pa ni Chito ang tulong ng NBI para matunton kung sino ang nagpakalat ng videos.
Pero hindi natinag ng kontrobersya ang pagmamahalan ng dalawa. -- FRJimenez, GMA News