ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Krista Miller na naugnay noon kay Cesar Montano, tinukoy na 'starlet' na bumisita raw kay Camata sa ospital


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Lumutang ang pangalan ng starlet na si Krista Miller na umano'y kabilang sa mga bumisita sa isang convicted drug lord habang nasa ospital. Naugnay noon si Krista sa aktor na si Cesar Montano na ikinagalit ng misis nitong si Sunshine Cruz.

Sa ulat ng GMA News TV's "SONA" nitong Miyerkules, tinukoy ng isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Krista umano ang isa sa tatlong babae na nakunan sa CCTV camera ng Metropolitan Hospital sa Maynila na naging bisita ng convicted drug lord  na si Ricardo Camata noong Mayo 31.

Basahin: NBP exec, 12 jail guards sacked for hospitalization of high-profile inmates



Naging kontrobersiyal ang pagdadala kay Camata sa ospital dahil lumilitaw na walang pahintulot sa Department of Justice na ilabas ito sa kaniyang kulungan sa New Bilibid Prison. Dahil dito, sinibak na sa kanilang puwesto ang opisyal ng NBP at 12 jail guards habang patuloy ang pagsisiyasat sa nakukuha umanong "special treatment" sa ilang preso.

Ayon kay Justice Undersecretary Francisco Baraan, nangunguna sa pag-imbestiga sa kontrobersiya, inalis na sa puwesto si NBP Superintendent Fajardo Lansangan at pansamantalang humalili si Superintendent Roberto Rabo.
 
Una rito, nakunan sa CCTV camera si Camata, alias Chacha, lider umano ng Sigue Sigue Sputnik Gang, na dinala sa ospital para magpagamot dahil sa sakit daw nito sa baga.

Ngunit bukod sa walang pahintulot sa DOJ ang paglabas sa NBP at pagdadala kay Camata sa ospital, lumitaw din na pinayagan ng mga jail guard na tumanggap ng mga bisita ang bilanggo sa kuwarto nito sa ospital kahit hindi mga kaanak.

Kabilang sa mga nakitang bumisita kay Camata sa CCTV video ang isa umanong starlet na kasama ang dalawang lalaki na umano'y dancer. Sa isa pang araw, dalawang babae pa na umano'y dancer din ang dumating sa ospital.

Nitong Miyerkules, tinukoy umano ng mga iniimbestigahang jail guard na ang sinasabing starlet na bumisita kay Camata ay si Krista.

Nakilala raw ni Camata si Krista sa Santacruzan na ginanap sa NBP at inisponsor ng grupo nito.

Sa hiwalay na panayam sa dzMM radio kay Baraan, sinabi nito na ang jail guard ang nagsabi sa kaniya ng pangalan ni Krista.

Hindi rin umano kinapkapan ng mga guwardiya si Krista at dalawang dancer nang pumasok sa kuwarto ni Camata.

Sinisikap pang matunton ng GMA News si Kristal para makuha ang kaniyang pahayag.

Sa ulat ng "SONA", sinabi ni Supt. Celso Bravo, ng Bureau of Corrections, may kapabayaan ang mga guwardiya sa pagpapahintulot na tumanggap ng mga bisita si Camata kabilang na si Krista nang walang abiso sa mga kinauukulang opisyal.

Enero 2013 nang unang pumutok ang hindi pagkakaunawaan ng mag-asawang Sunshine at Cesar dahil umano kay Krista.

Basahin: Krista on Cesar: 'Attractive siya, oo. Guwapo siya, pero hindi siya yung klase ng guy na gusto ko'

Gayunman, itinanggi nina Krista at Cesar na nagkaroon sila ng romantikong relasyon bagaman nagkasama sila sa isang pelikula. -- FRJ, GMA News