ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Krista Miller, condo unit at hindi sarili ang ibinibenta sa convicted drug lord


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Aminado ang starlet na si Krista Miller na binisita niya ang convicted drug lord na si Ricardo Camata sa ospital, ngunit ito raw ay para bentahan siya ng condominium unit.

“Real estate properties po ang binibenta ko at hindi ang sarili ko,” ani Krista sa Chika Minute portion ng “24 Oras” nitong Biyernes.

Nadamay ang pangalan ni Krista sa kontrobersiya matapos lumabas sa media ang pagpapa-ospital ni Camata sa labas ng National Bilibid Prisons kahit walang permiso mula sa Department of Justice.

“Alam ko naman po na malinis po ang hangarin ko sa pagpunta sa ospital, at pangalawa lahat naman po ng mga nangyayari, nire-report ko naman po sa opisina namin na meron po akong kliyente,” ani Krista

Kuwento ng starlet, nagsimula ang transakyon nila ni Camata noong sumali siya sa Santacruzan sa loob ng NBP noong May 2.



Ayon sa ulat, inalok ni Krista ng condo unit si Camata nang malaman niyang “high-profile” itong tao.

Dahil nagpahayag daw ng interes si Camata, bumalik si Krista sa NBP kasama ang kanyang talent coordinator noong May 3 at 16.

Sa kuha ng CCTV camera ng Metropolitan Medical Center, makikitang pumasok si Krista kasama ang tatlong lalaki sa loob ng kwarto ni Camata noong gabi ng May 31. Makalipas ang mahigit isang oras, lumabas rin ito kasama ang tatlong lalaki.

Ayon kay Krista, mahaba raw talaga ang negosasyon sa pagbebenta ng condo unit.

“Siyempre hindi naman po madali ang pagi-invest eh. Pera 'yan so kelangan talaga mahabang pag-uusap yan. Yung mga mode of payments ninyo, yung maa-appreciate yung unit na kukunin niya. So mahabang pag-uusap po,” sabi ni Krista.

Dagdag pa niya: “Sa isang oras na 'yon na sinasabi nila, sa ten minutes na naiwan kaming dalawa, may nurse po na pumapasok do'n.”

Ayon sa report, January pa nang magsimula si Krista sa kanyang real estate business para umano madagdagan ang kanyang kita.

Handa rin daw makipagtulungan si Krista kung ipatatawag siya para magbigay linaw sa sinasabing VIP treatment sa high-profile inmates.

Naging emosyonal naman si Krista nang mapag-usapan ang kanyang pamilya.

“Bilang ina, bilang ama... kung mangyari man ito sa anak niyo. Di niyo rin alam kung ano gagawin niyo, 'di ba? Pero lahat gagawin ko para malinis lang ang pangalan ko,” aniya.

Una nang nasangkot sa kontrobersiya si Krista nitong nakaraang taon nang madawit siya sa hiwalayan nina Cesar Montano at Sunshine Cruz.

Nauna nang itinanggi ni Krista na may kinalaman siya sa nasabing hiwalayan. —Rie Takumi/KBK, GMA News

Tags: kristamiller