ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Supporters ni Nora Aunor, 'di na gustong si PNoy ang magproklama sa kanilang idolo bilang national artist


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinag-aaralan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na muling isumite sa Malacañang ang pangalan ni Nora Aunor para maikonsidera at maiproklamang National Artist ng bansa.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing marami ang nagulat nang malaglag ang pangalan ng Superstar sa pitong pangalan na inirekomenda ng NCCA at Cultural Center of the Philippines na hiranging national artists ngayong 2014 ni Pangulong Benigno Aquino III.

Nitong Biyernes, anim na bagong national artists sa iba't ibang sining ang idineklara ng Palasyo. (Basahin: Aquino names six new National Artists)



Ang mga bagong hinirang na pambansang alagad ng sining ay sina Cirilo Bautista (panitikan), Alice Reyes (pagsayaw), Francisco Feliciano at Ramon Santos (musika), Francisco Coching (visual arts) at Jose Maria Zaragoza (arkitektura).

"Ikinalulungkot ng NCCA na yung masusing pag-review doon sa mga nominee na isinumite namin sa NCCA ay hindi nagbunga ng buo," ani Atty. Trixie Cruz-Angeles, legal counsel.

Pinag-aaralan daw ng NCCA na i-resubmit ang pangalan ni Aunor at magsagawa rin ng legal review sa kapangyarihan ng pangulo sa pagdedeklara at pagbasura sa inirekomendang national artist.

"Gustong i-explore ng NCCA kung ano yung mga parameters ng exclusion na ito," ani Angeles.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na ginamit ni Aquino ang kapangyarihan ng pangulo sa pagpili ng mga idedeklarang national artist na nakasaad naman sa batas.

"I have seen a number of speculation, kesyo raw Vilmanians ayaw ang Noranians, kesyo mga ganyang speculations, but these are all speculations... the president acted within the prerogatives as laid down by the law and as laid down by the supreme court decision on the Almario case," ani presidential spokesman Sec. Edwin Lacierda.

Ang grupo naman na Nora Aunor for National Artist Movement, hindi na raw iaapela kahit pa dismayado sila na hindi nahirang na pambansang alagad ng sining ang kanilang idolo ngayong taon.

"Hindi karapat-dapat na si Pangulong Aquino ang siyang magproklama kay Nora Aunor bilang pambansang alagad ng sining dahil hindi naman siya kinakitaan ng tunay na pagkilala at suporta at pagtatangi sa mga gawain ng artistic community," ayon kay  Don Rapadas. -- FRJ, GMA News