Lovi Poe, inamin na sila ngayon ni Rocco Nacino at naging 'ex' niya si Jake Cuenca
Sa showbiz talk show na "Startalk" nitong Sabado, napaamin ng host na si Lolit Solis ang Kapuso actress na si Lovi Poe tungkol sa tunay na relasyon nito kina Rocco Nacino at Jake Cuenca.
Sa pagsalang ni Lovi sa live interview sa nabanggit na programa, inusisa ni Lolit si Lovi kung talagang nagkaroon sila ng relasyon noon ni Jake.
Basahin: Lovi Poe, inusisa tungkol sa tunay na relasyon niya kina Jake Cuenca at Rocco Nacino
Kilalang masikreto si Lovi tungkol sa kaniyang love life nais daw ng aktres na mapanatili ang privacy ng kaniyang personal na buhay.
Pero kalaunan ay inamin na rin ni Lovi na talagang naging sila noon ni Jake.
Tumulong pa ang kaibigan ni Lovi na si Heart Evangelista, host din ng programa, sa pagpapaliwanag kung bakit itinago noon at ngayon lang inamin ng kaibigan ang relasyon nito kay Jake.
Ayon kay Heart, nasandalan ni Lovi ang aktor nang panahon na kailangan niya ito.
Dahil sa pag-amin sa naging relasyon nila ni Jake, hindi tinigilan ni Lolit si Lovi kung bakit hindi nito naamin na naging sila nito noon kina Ilocos Sur Rep. Roland Singson at Cavite Vice Gov. Jolo Revilla.
Dito na ipinaliwanag ni Lovi ang pagnanais niyang panatilihin sikreto ang kaniyang personal na buhay. Gayunman, sinabi ng aktres na tadhana na ang tila 'di sumang-ayon sa naging relasyon nila ni Singson.
Nang dumating na ang tanong tungkol sa kanila ni Rocco, muling ikinatwiran ni Lovi na "special" ang pagtitinginan nila ng Kapuso actor.
Basahin: Lovi Poe cautious about labeling relationship with Rocco Nacino
Pero nang ungkatin ni Lolit kay Lovi na nagawa na nitong aminin ang tungkol sa kanila noon ni Jake, mistulang nakorner na ang aktres at tuluyang inamin na sila na nga ngayon ni Rocco.
Ang pag-amin na ito ni Lovi ay ikinatuwa rin ni Heart, nobya naman ni Senador Francis Escudero.
Sa isang bahagi ng interview, sinabihan din ni Heart ang isa pa nilang kaibigan na si Alessandra de Rossi na umamin na rin tungkol sa tunay na namamagitan sa kanila ng Kapuso actor na si Sid Lucero. -- FRJ, GMA News