ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Ai-Ai delas Alas, nanindigan sa pagdepensa kay Vilma Santos kahit tinawag na 'sawsawera'
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kahit natawag na "sawsawera," wala raw pinagsisisihan ang Comedy Concert Queen na si Ai-Ai delas Alas ginawang pagtatanggol kay Batangas Governor Vilma Santos kaugnay sa mga batikos na tinamo nito dahil sa ipinost ni Kris Aquino sa Instagram ng dedication card ng actress-politician.
Basahin: Ai-Ai delas Alas, tinawag na 'sawsawera' ng basher nang ipagtanggol si Vilma Santos
Basahin: Kris Aquino, nag-sorry kay Vilma Santos dahil sa ipinost na card sa Instagram
Sa artikulong isinulat ni Julie E. Bonifacio na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Miyerkules, sinabi ni Ai Ai na hindi na nito gustong sagutin pa ang ibinatong patutsada sa kaniya dahil sa ginawang pagdepensa kay Vilma.
"Ayoko nang sagutin ‘yan," anang komedyante. “Basta, hindi ako sawsawera kasi sinagot ko lang naman kung ano yung tinanong sa akin ng press.”
Sinabi rin ni Ai Ai na inaasahan niya na maitatanong sa kanya ang tungkol sa ginawang pag-post ni Kris ng dedication card ni Governor Vi sa Instagram. Pero karamihan daw ng mga press people nang sandaling iyon ay mga kaibigan na niya ay natutuwa sa kaniyang pagsagot.
“Actually, yung mga tanong nilang ganoon, pini-playtime na lang nila ako," aniya. “Pero ano lang namin yun, biruan na lang namin."
Pero may iba raw na sineryoso ang kaniyang mga sagot.
Paglilinaw pa ni Ai Ai, hindi rin niya sinamantala ang pagkakataon para makapagkomento ng hindi pabor kay Kris, na balitang nakatampuhan niya.
“Hindi naman," diin nito. “Nagkataon lang naman na Vilmanian ako. Alam naman ng buong sambayanan na Vilmanian ako. Kung ibang artista yun, dedma ako.”
Sinabi pa ng komedyante na talagang nasaktan siya sa mga batikos na ginawa kay Vilma na tinawag niyang naging biktima rin.
Nagkapalitan na rin daw sila ng text message ni Vilma matapos nito.
Sa kabila ng lahat, sinabi ni Ai-Ai wala siyang pinagsisihan sa pakikisimpatiya kay Vilma kahit naging dahilan ito para siya man ay punahin ng ilan sa social media.
“Bakit ako magsisisi, e, ginawa ko 'yon. Kumbaga, lahat ng ginagawa ko, ano ko yun, responsibilidad ko yun," aniya.
“Kung ano yung sinabi ko, pinaninindigan ko lang. Saka ang sinabi ko lang doon, na hindi naman tayo sure na lahat ng nangba-bash sa akin ay totoong nangba-bash sa akin," dagdag ni Ai Ai.
Patuloy pa niya, “Ang sabi ko, ang iba doon, mga tactics. Like, diversionary tactics, mga paid hack. Dyusko, sa dami ba naman ng mga techie ngayon."
Natatawang “no comment” na ang sagot ni Ai Ai nang tanungin kung sa tingin niya ay may nagma-manipulate ng pangba-bash sa kanya sa social media. -- FRJ, GMA News
More Videos
Most Popular