Sen. Tito Sotto on 'Vic is dead' hoax: 'Dami talagang inggit kay Vic'
Ayaw nang patulan ni Senador Tito Sotto ang panibagong panloloko na kumalat sa social media tungkol sa pagpanaw umano ng kaniyang kapatid at kapwa "Eat Bulaga!" host na si Bossing Vic Sotto.
Nang magpadala ng text messages sa GMA News Online nitong Biyernes ang senador, sinabi nito na kasama niya si Vic at katatapos lang nilang maglaro ng golf.
Sa pagkalat ng naturang mapanlinlang na post na unang lumabas sa Facebook, maraming netizens ang kaagad na nakatunog na "hoax" ito at posibleng may virus ang link na nakapaloob.
Gayunman, may ilan pa rin ang nagtanong at nag-post ng pag-aalala sa Twitter at nais matiyak na maayos ang kalagayan ng Bossing ng mga dabarkads.
Nataon din na hindi nakita sa "Eat Bulaga!" nitong Biyernes si Vic.
Sa naunang ulat, pinabulaanan na ni Ms. Malou Ochoa-Fagar, executive vice president ng TAPE Inc., namamahala sa "Eat Bulaga!," na walang katotohanan ang naturang post sa social media tungkol kay Vic.
"My gosh! It's a hoax. Absent lang siya," ayon kay Ms. Malou sa hiwalay na text message sa GMA News Online nitong Biyernes ng hapon.
Basahin: Vic Sotto dead?: It's a hoax, says 'Eat Bulaga' exec
Ayon kay Sen. Sotto, tiyak na tatawanan lang umano ni Vic ang naturang panloloko gaya nang mga naunang lumabas patungkol sa kanila ni Vice Ganda.
"Tatawanan lang niya 'yon like the Vice Ganda issue," anang senador. "Hindi pumapatol sa ganun 'yon."
Basahin: Did he really slam Vic Sotto? Vice Ganda replies: 'It's an FB hoax'
Dagdag pa niya, "Dami talagang inggit kay Vic."
Kung mayroon man umanong kabutihan na idudulot ang naturang kalokohan, ito ay ang kasabihan na humahaba ang buhay ng mga taong ibinabalita na pumanaw na kahit hindi naman totoo.
"The good thing is, kasabihan 'yon [na] 'pag nabalita kang namatay, tiyak na hahaba ang buhay mo lalo," ayon kay Sen. Sotto. -- NB/FRJ, GMA News