ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mayor Herbert Bautista, 'di nakapagtimpi sa hinihinalang Chinese drug dealer


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang Chinese national na nahulihan sa sasakyan ng may 10 supot ng pinaniniwalang "high grade" shabu na nagkakahalaga ng P15 milyon sa Quezon City, ang nakatikim ng mga sampal kay Mayor Herbert Bautista nitong Biyernes.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, inabutan ng GMA News ang mga pulis ng Quezon City habang sinisiyasat ang sasakyan ng isang hinihinalang Chinese drug dealer na naging pakay ng buy-bust operation sa bahagi ng Philcoa.

Isang supot na naglalaman ng hinihinalaang shabu ang nakitang nakalatag sa labas ng kotse. Pero sa patuloy na paghahalughog sa sasakyan, nakita pa sa loob ang siyam na supot.

Sa kabuuan, 10 supot ng hinihinalang shabu ang nasabat na nagkakahalaga umano ng P15 milyon.



Hindi nagtagal, dumating sa lugar si Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Sa simula ay kalmado pa si Bautista na nagulat nang biglang sumangaw sa bintana ng korte ang tila nagpapatawang suspek at idinakit ang mukha sa alkalde na kinakapanayam ng media nang sandaling iyon.

Pero pagkatapos ng panayam sa media, inusisa na ni Bautista ang suspek at tinanong kung saan nito nakuha ang pinaniniwalaang shabu.

Ngunit sa halip na sumagot, itinuro ng suspek ang kaniyang taenga na tila ipinahihiwatig na hindi niya naiintindihan ang sinasabi ng suspek.

Dito na unang nakatikim ng sampal ang suspek mula sa alkalde.

Binalikan pa ito ng alkalde para tanungin at muling sinampal ang suspek, na kinilalang si Xu Zhen Zhi, batay sa pangalan na nakalagay sa nakuhang driver's license na nakapangalan sa Land Transportation Office.

Nagtataka si Bautista kung papaano nakakuha ng LTO license ang suspek gayung hindi umano ito marunong ng Filipino at Ingles.

"Nakakalusot ito sa LTO? Hopefully it's fake," anang alkalde.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang grupo ng suspek pero hinala nila na kaanib ito ng isang malaking sindikato. -- FRJimenez, GMA News