'Mapanghalinang' caption sa billboard ad na may seksing modelo, aalisin na
"Naked truth" at "come and play." Ilan lamang ito sa mga sinasabing mapanghalinang caption sa billboard advertisements sa EDSA ng isang clothing brand na daring ang posing ng mga modelo sa larawan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabing pumayag na ang kompanya ng damit na nasa likod ng billboard ad na alisin ang caption matapos itong makatawag ng pansin sa pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Una rito, dumulog ang CBCP sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na alisin ang mga billboard ad sa EDSA na ang mga mensahe ay makapagdudulot ng masamang epekto sa mga motorista at kabataan.
Ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino, pumayag umano ang mga namamahala sa billboard na alisin man lang ang caption sa larawan kung ayaw nilang alisin ang buong billboard.
Nakasaad naman sa official statement ng Bench, na susunod sila sa hiling ni Tolentino na tanggalin
ang mga caption sa mga billboard, na isasagawa nila sa mga susunod na araw.
Dagdag pa ng clothing company, nananatili ang moral responsibility nila sa mga consumer.
Ang grupong Gabriela, naniniwalang malaki ang epekto sa kultura ng mga "subliminal" o may ibang kahulugan na mga mensahe.
Noong 2004, tinutulan ng grupo ang billboard ng isang liquor brand na may nakasaad na caption na, "nakatikim ka na ba ng kinse anyos"
Giit ng grupo, dapat maging responsable ang mga advertiser sa mga inilalagay nila sa kanilang mga ad campaign.
Sa text statement na ipinadala ng Outdoor Advertising Association of the Philippines, sinabi nito na may self-regulating body silang sumusuri sa nilalaman ng lahat ng advertisement.
Idinagdag nito na mayroon ding sinusunod na ethics manual ang mga advertiser.
Samantala, magkakaiba naman ang naging pananaw ng ilang tinanong na motorista tungkol sa epekto ng pinunang billboard ad. -- FRJ, GMA News