Miriam sinabing may ‘pork’ pa rin sa 2015 badyet, binanatan ang mga dumipensa nito
Binatikos ni Sen. Miriam Santiago ang mga mambabatas at ibang opisyal ng gobyerno na dumipensa sa 2015 national budget, kasunod ng pagbubunyag nito na may nakatago pa rin umanong pork barrel funds sa ipinanukalang pambansang pondo.
Kinuwestyon din ni Sen. Santiago ang "bagong" pakahulugan ng salitang "savings" na nakasaad sa panukala.
Aniya, habang iginigiit ni Budget Sec. Florencio Abad na walang pork barrel sa proposed budget, kinumpirma naman ng kalihim na nagsagawa sila ng konsultasyon sa mga mambabatas na tukuyin ang napiling proyekto bago pagtibayin ang 2015 budget.
“These funds, regardless of the name, may be considered pork barrel, because they are national funds used for local projects selected by legislators, and they are granted in lump sums,” diin pa ng senadora.
Muling iginiit ni Santiago na unconstitutional ang depinisyon ng Palasyo sa "savings" na nagpapahintulot sa pamahalaan na ideklarang savings ang pondo "at any time."
Naninindigan naman ang Kamara na binura na nila ang naturang probisyon sa panukalang pondo pero ayon kay Santiago, nananatili pa rin ito sa "second to the last line ng Section 68 (b) sa bersyon ng Senate finance.
“This means that if a project costing P10 million were awarded early in the year for only P9 million, there would be P1 million left. The remaining amount could be declared savings even before the end of the year,” ani Santiago. — Linda Bohol/LBG, GMA News