Bilang ng mga namatay sa Ebola, halos 7k na — WHO
Halos 7,000 katao na ang namamatay sa West Africa dahil sa Ebola virus, ayon sa World Health Organization noong Biyernes.
Ayon sa WHO, 1,200 ang namatay sa loob lamang nitong nakaraang dalawang araw.
Dagdag pa ng WHO, aabot na sa kabuuang 16,169 ang mga kaso ng Ebola Virus Disease (EVD) at 6,928 dito ang namatay mula sa tatlong bansang itinuturing na sentro ng outbreak -- ang Sierra Leone, Guinea, at Liberia.
Nitong Miyerkules, 5,674 pa lamang ang naitalang namatay dahil sa EVD, at 15 pang kaso mula sa ibang mga bansa ang naitala.
Ayon kay WHO spokesperson Tarik Jasarevic, ang biglaang pagtaas ng bilang ng mga namatay ay bunsod ng pagsasaayos ng mga datos na nakalap.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ni Jasarevic na: "...the steep hike in fatalities, mainly in Liberia, principally to a reconciliation of historical numbers and not to new deaths in recent days.
Naniniwala ang WHO na marami pang kaso ng pagkamatay ang hindi nila naisasama sa opisyal na bilang.
Itinuturing ang Liberia na pinakanaapektuhan na bansa ng Ebola outbreak. Ngunit, ayon sa mga observer, naging mabagal na ang pagkalat ng virus sa nasabing bansa nitong mga nakaraang linggo.
Gayunpaman, sa Liberia pa rin ang pinakamalaking bilang ng mga bagong kaso ng pagkamatay na naitala kamakailan lamang, na umabot sa 4,181 mula sa kabuuang 7,244 na mga kaso.
Mayroon namang 1,461 na namatay mula sa 6,802 na mga kaso ang naitala sa Sierra Leone, kung saan mabilis pa rin ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Umabot naman sa 1,284 (mula sa 2,123 na mga kaso) ang namatay sa Guinea kung saan nagsimula ang outbreak halos isang taon na ang nakalilipas.
Hindi naman nakapagbigay ng update ang WHO mula sa iba pang mga bansang naapektuhan ng Ebola outbreak.
Sa huling update na inilahad ng ahensya, nakapagtala ng walong kaso ng Ebola sa Mali, ang bansang pinakabagong naapektuhan ng Ebola. Anim sa mga ito ang namatay.
Inanunsyo naman ng Mali noong Biyernes na nagamot nito, sa kauna-unahang pagkakataon, ang isa sa mga pasyente.
Wala namang bagong kasong naitala mula sa Nigeria, na nagkaroon na ng walong kaso ng pagkamatay at sa Senegal na mayroon namang isang kaso. Idineklara nang Ebola-free ang dalawang bansa.
Apat na kaso naman ng Ebola ang naitala sa Estados Unidos, isa rito ang namatay.
Isa rin ang nakumpirmang kaso sa Espanya – ang nurse na nagpapagaling na ngayon. — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News