ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Valerie Weigmann, positibo pa rin kahit hindi nasungkit ang Miss World title
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nakapasok man sa Top 25 ng nagdaang Miss World 2014 pageant, bigo naman ang pambato ng Pilipinas na si Valerie Weigmann na masungkit ang korona na ipapasa ni Miss World 2013 Megan Young na pambato ng bansa noong nakaraang taon.
Hinirang na Miss World 2014 si Miss South Africa Rolene Strauss, habang pumangalawa naman si Miss Hungary Edina Kulczar at sumunod si Miss USA Elizabeth Safrit sa naturang pageant na ginanap nitong Linggo.
Gayunpaman, nananatiling positibo ang model at dating Eat Bulaga host. Aniya, “[In] this pageant, o kahit anong contest, [winning] does not define you. Happy lang ako na na-experience ko siya at tsaka nabigay ni Lord 'yung ganitong opportunity."
Lumitaw ang ganda ni Valerie sa isang yellow ball gown na gawa ng internationally-acclaimed Pinoy fashion designer na si Michael Cinco, ayon sa ulat ng 24 Oras nitong Lunes.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Pinay beauty queen na makapasok sa top 25 dahil sa pagsungkit ng People's Choice Award na base sa fan voting. Emosyonal siyang nagpasalamat sa suporta ng kanyang mga kababayan.
Ayon kay Valerie, “Sa lahat ng mga kababayan ko at sa lahat ng OFWs, saludo ako sa inyong lahat. Maraming salamat po.”
Pahayag ng isang beauty pageant analyst, naging mahirap raw talaga ang back-to-back win sa Miss World para sa Pilipinas ngayong taon hindi kagaya ng iba pang international beauty pageant dahil na rin sa dami ng kalahok nito mula sa iba't ibang bansa sa buong mundo.
Sa kabila nito, nakabibilib pa rin daw ang ipinamalas ni Valerie, at malaking pag-asa ang hatid nito lalo na sa foundation na kanyang tinutulungan.
“Impressive ang 'Beauty with a Purpose' dahil natulungan niya ang indigenous people. Back-to-back win or lose, panalo pa rin si Val sa puso ng bawat Pilipino,” ayon kay Raymond Goles, beauty pageant analyst. — Bianca Rose Dabu/JST, GMA News
More Videos
Most Popular