ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Listahan ng mga bilanggo na inirekomendang palayain, nirerepaso ng pamahalaan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinag-aaralan na ng tanggapan ni Pangulong Benigno Aquino III ang listahan ng mga bilanggo na inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) na bigyan ng executive clemency, ayon sa isang opisyal ng Malacañang.
 
Sa isang press briefing nitong Martes, inilahad ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., na nakapagsumite na ng listahan si Justice Secretary Leila de Lima sa Malacañang ng mga palalayaing bilanggo.
 
“Kasalukuyan pang pinag-aaralan ang rekomendasyon at kapag ito ay nailabas na ay tiyak namang iaanunsiyo sa madla,” ani Coloma.
 
Hindi naman makumpirma ng opisyal kung mabibigyan ng executive clemency ang mga preso bago dumating si Pope Francis sa Pilipinas sa darating na Huwebes.
 
Kamakailan lamang, inihayag ni De Lima na inuuna ng ehekutibo sa listahan para sa presidential pardon ang mga matatandang preso at may malubhang sakit.
 
Ito ay matapos manawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kay Pangulong Aquino na palayain ang mga may sakit, matatanda, at  inabandonang preso kasunod na rin ng tema ng pagbisita ng Santo Papa sa bansa na “Mercy and Compassion.”
 
May kapangyarihan ang pangulo ng bansa na magpalaya ng preso alinsunod sa isinasaad ng Article VII, Section 19 ng 1987 Constitution na: “Except in cases of impeachment, or as otherwise provided in this Constitution, the President may grant reprieves, commutations, and pardons, and remit fines and forfeitures, after conviction by final judgment.”
 
Nakasaad din sa Republic Act 4103 o Indeterminate Sentence Law, na ang 'commutation of sentence' ay nangangahulugan ng pagbawas sa sentensiya ng isang preso.
 
Samantala, nangangahulugan naman ang “conditional pardon” ng pagsalba sa isang indibidwal mula sa kaukulang parusang nakasaad sa batas para sa kasalanang nagawa nito pero may ilang limitasyon at kondisyon. -- BRDabu/FRJ, GMA News