Walang pulitika sa paglibre sa utang ng magsasaka
Itinanggi ng isang mataas na opisyal sa Malacanang na may bahid pulitika ang direktiba ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pagbuo ng isang task force upang pag-aralan ang posibleng paglibre sa mga magsasaka sa kanilang mga utang sa gobyerno. Sa panayam ng media nitong Linggo, sinabi ni Cabinet Secretary Ricardo Saludo na ang task force na binuo sa bisa ng Administrative Order No. 176 na pinirmahan ni Arroyo ang magbibigay ng rekomendasyon kung papaano matutulungan ang libu-libong magsasaka na nagkautang sa ilalim ng agrarian reform program. Bagaman noong Biyernes lamang pinirmahan ni Arroyo ang AO 176, iginiit ni Saludo na Marso pa lamang ay inirekomenda na ito ni dating Presidential Chief of Staff Mike Defensor, kandidato ngayon ng Team Unity sa pagkasenador. Idinagdag niya na makabubuti rin na ginawa ang pagbuo sa task force kahit panahon nang eleksiyon upang malaman ng mamamayan na may ginagawa ang gobyerno kahit abala ang lahat sa halalan. Bukod sa ilalabas na rekomendasyon sa posibleng paglibre sa mga magsasaka sa kanilang mga utang, sinabi ni Saludo sa hiwalay na pahayag nitong Linggo na magiging trabaho rin ng task force na kilalanin ang mga kasalukuyang agrarian reform models at magrekomenda ng mga posibleng pagbabago upang masigurong tumutugon ito ng tama sa mga pangangailangan at interest ng mga magsasaka. Ang naturang task force ay pangungunahan ni Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman, kasama rin ang mga opisyal ng Department of Finance at Department of Justice at mga kinatawan mula sa Land Bank of the Philippines at Agrarian Reform Beneficiaries Association. "This is a big step towards substantial relief to countless farmers and their families, and making land reform as true instrument of social justice," ani Pangandaman. Tiniyak naman ni Finance Secretary Margarito Teves na pag-aaralan nila ang lahat ng aspeto sa pinansiyal at legal na usapin ng programa upang makapagbigay ito ng rekomendasyon na maipatutupad ng walang problema. - Fidel Jimenez, GMANews.TV