Mancao, nag-sorry kina Erap, Lacson sa pagdawit niya sa Dacer-Corbito murder case
Matapos ang may dalawang taon na pagtatago, nagpahiwatig si dating police Senior Superintendent Cezar Mancao II, na nais na niyang sumuko. Humingi rin siya ng paumanhin kina Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada at dating Senador Panfilo Lacson na idinawit niya noon sa kasong pagpatay sa PR man na si Salvador "Bubby" Dacer at drayber nitong si Emmanuel Corbito.
Nakapanayam ni GMA News' Susan Enriquez si Mancao nitong Sabado sa hindi tinukoy na lugar.
Taong 2013 nang tumakas mula sa kostudiya ng National Bureau of Investigation si Mancao matapos magdeklara ang korte na hindi kapani-paniwala ang mga testimonya niya tungkol sa kaso nina Dacer na pinaslang noong taong 2000.
Ipalilipat na sana si Mancao sa Manila city jail nang bigla itong mawala.
“Ayaw ko magaya [sa] teroristang si Marwan na namatay [na]... nagtatago,” pahayag ni Mancao sa panayam ng dzBB radio, patungkol sa sinapit ng suspected terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas Marwan na napatay ng mga police commando sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Gayunman, 44 na miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police ang nasawi sa nasabing operasyon.
Bukod kina Estrada at Lacson, humingi rin ng paumanhin si Mancao kay Justice Secretary Leila de Lima, na nakasasaklaw sa NBI.
Dating pinuno ni Mancao sa PNP at sa binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force si Lacson.
Sa kabila ng testimonya ni Mancao laban kay Lacson sa pagdidiin sa Dacer-Corbito case, pinawalang sala ng Court of Appeals ang dating senador. Ang naturang desisyon ng CA ay kinatigan ng Korte Suprema.
Inabsuwelto naman ng mababang korte sa kaso si dating Senior Superintendent Michael Ray Aquino, na idinawit din ni Mancao sa nabanggit na kaso.
"'Yan na po... humihingi ako ng patawaran kay Sen. Lacson. Though the courts decided to clear his name, I still owe him an apology, nasira ko pangalan niya at reputation," ayon kay Mancao.
"Mahigit dalawang dekada nakilala ko siya, matino naman at responsable, sensible, fearless, incorruptible leader po," dagdag pa niya, patungkol ka Lacson.
Ganito rin ang mensahe ni Mancao kay Estrada, dating pangulo at dati niyang pinuno sa binuwag na ring Presidential Anti-Crime Commission.
"Sorry lang po talaga kay dating Presidente at Mayor Erap," ani Mancao. "Hindi siya (Estrada) kasama sa charge pero nabanggit ko, I feel I disrespected him. Humihingi ako ng kapatawaran sa kanya."
Paliwanag ni Mancao, may banta sa kaniyang buhay kaya siya tumakas at hindi nagpalipat sa city jail.
Sinabi ni Mancao sa panayam noong May 2013 sa GMA News TV's SONA na, “Ito nga hong dahilan sa pagtakas ko, buhay na ho ang kapalit nito. May banta na nga sa akin noong nasa NBI pa lang ako. How much more kung nandun ako sa city jail. Alam mo napakadaling mag-utos doon.”
Bago ang panayam sa dzBB radio nitong Sabado, sinabi nina Enriquez at Benjie Alejandro, na binanggit ni Mancao na nagawa daw nitong magbanggit ng mga personalidad na idadawit sa kaso dahil sa "pressure" ng nakaraang administrasyong Arroyo.
Touched by Pope Francis
Sa panayam ng dzBB, sinabi ni Mancao na nabigyan siya ng kaliwanagan ng isipin nang bumisita sa bansa si Pope Francis nitong nakaraang Enero.
"Na-touch ako at na-enlighten sa mensahe niya mercy and compassion," aniya. "Hindi ako masamang tao, alagad ng batas gumawa ng tama at mabuti sa taumbayan."
Hinanakit niya, "Sa kasong aking hinaharap ako naiwan, ako na lang nagdurusa."
"Bago may mangyaring masama masabi ko at makahingi ng kapatawaran sa taong nasagasaan ko... ito na siguro ang tamang panahon," dagdag ni Mancao.
Nang tanungin kung susuko na ba siya, tugon ni Mancao, "Ite-test ko ang water kung ano [ang] response sa kabila. Tingnan ko [ang] assurances na maibigay sa akin. Meron na akong medyo di magandang experience sa DOJ at NBI, ayaw ko magdagdag ng kalaban." -- FRJ, GMA News