ADVERTISEMENT
Filtered By: Publicaffairs
Public Affairs
Your Love: ang kuwento ng pagmamahal ni Gary Ignacio
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Mapanonood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi sa GMA-7. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa programa, sundan kami sa Facebook, Twitter at Instagram. Para naman sa impormasyon tungkol sa mga paborito n’yong Public Affairs program, sundan ang GMA Public Affairs.

Kung dati ay mikropono ang hawak ng bokalistang si Gary Ignacio, ngayon tungkod na ang kasa-kasama niya saanman magpunta. Hirap na kasi siyang maglakad. Mahina na ang kaniyang katawan. Nabawasan na rin ang trademark niyang long hair at parati na siyang naka-bonnet.
Agosto 2014 matapos ang tour sa United States ng bandang Alamid kung saan bokalista si Gary, napansin ng musikero na tila siya nanghihina. Hirap siyang kumilos. Ipinatingin niya ito agad sa doktor sa takot na nakararanas siya ng stroke.
Pero iba ang sabi ng manggagamot – sakit sa buto. Advanced stage.
Paano na ang karera ni Gary sa rock scene?
From Athena’s Curse to Alamid
Suwerte sa pagmamahal
From Athena’s Curse to Alamid
High school pa lang si Gary nang buuin niya at ng kaniyang kaibigang si Dexter Facelo ang Alamid na noo’y Athena’s Curse pa lang. Matagal silang tumugtog ng mga awiting punk bago magpalit ng pangalan at pumirma ng recording deal.
“‘Yung Alamid, wild cat ‘yun na parang mustang na dito lang matatagpuan sa Pilipinas,” kuwento ni Gary. "Sabi kasi ng manager namin, si Dodon Viray, wild naman daw kaming mag-perform so bagay na Alamid na lang.”
Mula sa kanilang mga komposisyon, nagustuhan ng record label ang "Your Love" kaya naman ito ang unang kantang isinahimpapawid ng banda – at ang kantang nagdala sa kanila sa taas ng mga hit chart, sa rurok ng kasikatan.
“Tuwang-tuwa [kami noon] siyempre,” ani Gary. "Lalo na noong akala namin hindi magna-number one. Pero noong nag-number one na, hindi na mabaklas [doon!]” Mabibigat din daw ang kalaban ng "Your Love" noon – nariyan ang "Bed of Roses" ng international rockstar na si Bon Jovi; at nariyan din ang "Hurting Inside" ng Pinay trio na Vanna Vanna.
Dahil sa musika, kung saan-saan napunta si Gary at ang kaniyang mga ka-banda. Pero kahit saan mapunta ang bokalista, sa iisang babae pa rin umuuwi ang puso niya – kay Ma. Buena.
Suwerte sa pagmamahal
Nagkakilala si Gary at si Ma. Buena dalawang taon bago pormal na mabuo ang Alamid. Photographer noon ang binata habang suki ng studio nila ang dalaga. Pareho nilang inaming hindi nila gusto ang isa’t isa noong una.
Pero sabi nga nila, iba kung kumilos ang tadhana. Kahit nasusungitan noon si Gary kay Ma. Buena, nahulog din ang loob niya rito. Gamit ang kaniyang kaalaman sa musika, niligawan niya ang babae – at ‘di kalauna’y sinagot din siya nito ng “oo.”
Hindi naging madali para sa dalawa ang kanilang relasyon at pagpapakasal. Hindi kasi pabor ang pamilya ni Ma. Buena kay Gary. Si Gary naman, nahihirapan sa dami ng mga babaeng umaaligid sa kaniya dahil siya ay sikat na rakista. Gayunpaman, pinagtagumpayan nila ang bawat pagsubok nang buong pagmamahal.
17 taon at tatlong anak ang makalipas, bagong dagok naman ang hinaharap ngayon nina Gary at Ma. Buena – at nagpapasalamat si Gary na hindi siya nagkamali sa pagpili ng babaeng iibigin niya habambuhay.
Nag-uumapaw na pag-ibig
Si Ma. Buena ang umaalalay kay Gary ngayong sumasailalim siya sa chemotherapy. Sa dalawang beses nilang pagpapagamot, umabot na sa mahigit isang milyong piso ang kanilang nagastos.
Napanghihinaan man ng loob, hindi raw magpapadaig dito si Ma. Buena – lalo na ngayong siya ang inaasahan ng kaniyang asawa.
Mabuti na lang at may mga kaibigan si Gary sa industriya na handang tumulong sa kaniya. Minsan na ring nagpa-benefit concert ang ilang mga banda at musikero para makalikom ng perang pampagamot ni Gary.
Sa kabila ng lahat ng kaniyang pinagdaraanan, nananatiling positibo si Gary – salamat sa kaniyang asawa, mga kaibigan at kasama sa industriya na walang sawa kung sumuporta sa kaniya.
“Naniniwala ako, gagaling naman ako e. So ilang months lang, babalik na ‘ko. Siyempre ra-rock pa tayo,” ani Gary.
Tunay ngang kapag nag-uumapaw ang pagmamahal, daig pa ng pag-asa ang liwanag ng sumisikat na araw.---Princess Daquigan, BMS
More Videos
Most Popular