ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

SAF troopers, inuudyukan umano na bumitiw ng suporta kay PNoy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inamin umano ng ilang tauhan ng Special Action Force na nakaligtas sa Mamasapano encounter na may humihimok sa kanila na bumitiw ng suporta kay Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Ito ang inihayag ni Pastor Boy Saycon, dating consultant ng Department of National Defense, matapos na kausapin ang ilang survivor na SAF troopers sa Mamasapano mission kung saan 44 sa kanilang kasamahan ang nasawi.

Sa ulat ni Ruth Cabal sa GMA News TV's SONA nitong Biyernes, sinabi ni Saycon na tumagal ng mahigit dalawang oras ang pagkikipag-usap niya sa anim na miyembro ng SAF.

Humingi raw ng payo ang mga ito kay Saycon dahil sa mga nag-iimbita sa kanila na huwag nang suportahan ang administrasyong Aquino kasunod na rin ng nangyari sa Mamasapano.

Gayunman, pinayuhan umano ni Saycon, secretary general ngayon ng Council of Philippine Affairs, ang mga kausap na SAF na manatiling tapat sa "chain of command" at huwag magpapadala sa mga nag-uudyok sa kanila.



Ganito rin umano ang napag-uusapan ngayon ng ilang grupo kasama ang ilang retiradong heneral.

Mayroon din umanong isang dating opisyal sa administrasyong Arroyo ang lumapit sa SAF, pero tumanggi si Saycon na tukuyin kung sino ito.

Nilinaw niya na hindi kudeta ang kaniyang mga naririnig niya kung hindi "withdraw of support." Nais daw ng mga ito na akuin ni Aquino ang buong pananagutan sa Mamasapano mission.

Samantala, ang tiyahin ni Aquino na si dating Tarlac Rep. Tingting Cojuangco, naman daw ang nag-imbita kay Saycon para kasaupin ang mga miyembro ng SAF.

Tumanggi siyang magkomento tungkol sa pulong pero kinumpirma ni Cojuangco na may mga nakakausap siyang mga dating estudyante niya sa PNP Academy na kasama sa operasyon sa Mamasapano.

Masama raw ang loob ng mga ito at demoralized dahil sa nangyari sa kanilang mga kasamahan.

Kasunod nito, itinanggi ni Cojuangco na siya o ang asawa niyang si dating Tarlac Gov. Peping Cojuango, ang nasa likod ng bali-balitang kudeta laban sa administrasyong Aquino.

Sinabi naman ni dating Defense Secretary at National Security Adviser Norberto Gonzales, na may pag-uusap ngayon sa ilang miyembro ng militar at pulisya.

Pero hindi naman niya diretsahang sinabi kung may kinalaman ito sa mga napapabalitang kudeta.

Ang mga ugong tungkol sa umano'y kudeta ay nakarating din kina Senadora Miriam santiago at maging kay Defense Secretary Voltaire Gazmin.

Noong isang linggo, sinabi ni Senador Antonio Trillanes IV, na may gustong manamantala sa mababa raw na morale ng mga sundalo't pulis.

Gayunman, inihayag ng tagapagsalita ng PNP wala silang nababalitaang mga nagpapaplano ng kudeta.

Ang AFP, bumuo ng monitoring system para alamin ang katotohanan sa mga bali-balitang pagkilos laban sa gobyerno.

Ang Malacañang, wala raw alinlangan sa katapatan ng militar at pulisya.

Kasabay ng mga ugong ng kudeta, may ilang grupo naman na nananawagan sa pagbaba sa puwesto ni Aquino kasunod ng engkwentro sa Mamasapano.

Sa darating na Pebrero 22, kasabay ng ika-29 na anibersaryo ng EDSA People Power 1 revolution, plano ng grupong Edsa 2.22.15 Coalition na magsagawa ng protesta.

Nais ng grupo na magkaroon ng transition government na bubuuin ng mga sibilyan at non-politicians hanggang mag-eleksiyon 2016.

Tatlong organisasyon na raw ang kanilang kaisa para sa naturang plano. Pero iginiit nila na hindi sila ang nasa likod ng napapabalitang kudeta laban sa pangulo. -- FRJ, GMA News