Ilang college student sa Iloilo City, nasadlak daw sa 'prosti-tuition' para makapag-aral
Ilang mag-aaral umano sa kolehiyo sa Iloilo City ang nasasadlak sa tinatawag na "survival sex," o pagbebenta ng aliw para kumita ng perang pantustos sa kanilang pag-aaral.
Sa ulat ni Jennifer Munieza ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's Balita Pilipinas nitong Biyernes, sinabing nababahala umano ang mga estudyante sa lungsod ng Iloilo dahil sa isyu ng pagkakasangkot sa prostitusyon ng ilan nilang kapwa mag-aaral sa kolehiyo.
Kaugnay ito ng pagsasapubliko ni Western Visayas State University professor Cherry de Guzman tungkol sa tinawag niyang survival sex na kinasasangkutan daw ng ilang mag-aaral sa lungsod.
Ayon kay de Guzman, nagbebenta ng aliw ang ilang estudyante para kumita ng perang ipantutustos nila sa kanilang pag-aaral.
Natuklasan daw ito ni de Guzman mula sa ilang impormante katulad ng mga taxi driver na madalas daw naghahatid ng mga estudyante sa mga motel.
Maging ang ilang estudyanteng nakausap ng GMA News, alam daw ang tungkol sa tinatawag na survival sex, at kabilang daw dito ang mga lalaking estudyante.
Katulad ng panawagan ni de Guzman, hinihiling din ng mga mag-aaral na gumawa ng paraan ang gobyerno para matigil na ang malaswang gawain.
Payo pa ng ilang estudyante sa mga kapwa nila mag-aaral, maghanap ng ibang marangal na paraan ng mapagkakakitaan para makapagtapos sila ng pag-aaral.
Naniniwala naman ang isang student leader ng WVSU na may malaking papel din ang pamilya at ang paaralan para mailayo ang mga estudyante sa naturang gawain.
Ang Commission on Higher Education (CHED), ipinayo na humanap ng ibang paraan para makapag-aral tulad ng pagkuha ng scholarship programs.
Wala pang pahayag ang WVSU at iba pang paaralan tungkol sa isyu ng prostitusyon ng ilang mag-aaral.-- FRJ, GMA News