ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Fame o shame: Anong tingin mo sa Tekken fighter na si Josie Rizal?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang araw matapos maibalita ang paglikha ng unang Pinay character sa Tekken game series na si Josie Rizal, umalma ang isang opisyal ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), dahil sa ginawang pag-uugnay sa karakter sa pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal.

Mismong ang game director at chief producer ng Tekken fighting game series ang nagkumpirma na hango sa pangalan ng bayaning si Rizal ang nilikha nilang female fighter na si Josie.

Gamit ni Josie ang Pinoy martial art na eskrima at kickboxing sa fighting style na makikita sa Tekken 7.



Kayumanggi ang kaniyang balat, kakulay ng watawat ng Pilipinas ang kaniyang kasuotan, pero hindi siya nagsasalita ng wikang Pinoy.

Puna ni Dr. Leodenito Cañete, Visayas coordinator ng Bayaning Bayan program ng NCAA, hindi tama ang paggamit sa watawat ng Pilipinas bilang tema sa maigising damit ng Tekken character na si Josie.

Nangangamba rin siya na baka magkaroon ito ng maling interpretasyon sa buhay ng bayaning si Dr. Rizal at maging sa bansang Pilipinas.

Aniya, plano ng NCCA na gumawa ng hakbang upang maiwasan ang mga maling impresyon na maaaring idulot ng Takken character tungkol sa bayaning si Dr. Rizal, ayon sa ulat ng GMA-Cebu.

Hindi naman binanggit sa ulat kung papaano ito gagawin ng NCCA.

Gayunman, sinabi ni Cañete na, "Mahirap natin mapigilan ang ibang bansa na gumawa ng ganoong character kasi ang Pilipinas, sikat na sikat sa mundo."

Pero batay sa ilang komento ng netizens, wala silang nakikitang masama at hindi umano dapat mag-overreact ang sinuman sa ginawang karakter ni Josie.

Sa halip na magalit, dapat pa umanong ikatuwa ang pagkakaroon ng Pinay character sa sikat na game series dahil malayo naman daw ang hitsura ni Josie sa pinaggayahan ng pangalan na si Dr. Jose Rizal. -- FRJ, GMA News

Tags: talakayan