Isa pang Pinoy, nakakuha ng 'Golden Buzzer' sa Asia's Got Talent
Isa pang Pinoy ang nakapagpabilib sa mga judge sa Asia's Got Talent, at nabigyan ng "Golden Buzzer" para dumiretso na sa semifinals ng kompetisyon.
Inawit ng 24-anyos na si Gerphil Geraldine Flores, ang kantang "Speak Softly, Love," at napabilid niya ang judge na si Grammy-winning composer David Foster, na siyang pumindot ng "golden buzzer."
Bago nito, nakakuha na rin si Flores ng "yes" vote sa tatlo pang judge na sina Melanie C, Anggun, at Vanness Wu.
Maliban kay Flores, nakakuha rin ng "golden buzzer" ang shadow play group na El Gamma Penumbra, na ibinigay naman ni Anggun.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Flores na nakadama siya ng sobrang pressure sa pagtatanghal dahil isa siya mga nagrerepresent ng Pilipinas sa kompetisyon.
Hindi rin daw niya inaasahan na pipindutin ni David ang buzzer na isang beses lang maaaring gamitin ng bawat judge.
Ang ina ni Flores na kasama niya sa auditions sa Singapore, napaluha sa labis na kasiyahan.
Maliban kay Flores at sa grupong El Gamma Penumbra, ang ilan pang Pinoy na nakapasa sa auditions ay ang Velasco Brothers, Symmetry, Flexie Buddies, Neil Ray Garcia Llanes, Miss Tres at ang 10-year-old na si Gwyneth Dorado. -- FRJ, GMA News