ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Taxi driver, hinoldap ng nag-iisang pasaherong...babae


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi akalain ng isang taxi drayber na malalagay sa peligro ang kaniyang buhay sa kamay ng pasahero niyang babae na inilarawan niyang mukhang probinsiyana.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, sinabi ng taxi driver na si Jaime Jaucian, na dakong 4:00 p.m. nitong Biyernes nang isinakay niya ang pasaherong si Nilven Lazaro, 24-anyos, sa Maynila.

Nagpahatid daw ang babae sa Project 4, Quezon City para katagpuin ang isang kaibigan.



Pero nang nasa Quezon City na sila, hindi raw masabi ni Lazaro kung saan ito bababa kaya naisipan ni Jaucian na itigil na lang ang taxi sa tabi ng isang supermarket.
 
"Mukha kasi siyang probinsiya, parang nawawala rin parang ganun. Para hindi naman siya masyadong magastusan, sabi ko dalhin kita dun sa supermarket, yung ka-text mo dun na lang kayo mag-meet," kuwento ng drayber.
 
Patuloy niya, "Doon siya nag-declare ng...sabi sa akin, 'pasensiya na holdap to.'
 
Ayon kay Jaucian, tinutukan siya ng patalim ng babae sa leeg at kinuha ang perang kita niya sa biyahe na mahigit P300.
 
Pero nang mahawakan niya ang kamay ni Lazaro, doon na sila nagpambuno sa loob ng taxi.
 
Nakatawag naman ng pansin sa mga tao ang kaguluhan sa loob ng taxi at binasag nila ang salamin ng sasakyan para mabuksan ang pinto.
 
Tumulong na rin ang mga hindi nakaunipormeng pulis sa pagdakip kay Lazaro.
 
Sa himpilan ng pulisya, inamin ni Lazaro ang kasalanan at sinasabing kailangan lang niya ng pera para mabayaran ang utang niya sa dating amo.
 
Umiiyak na humingi ng patawad si Lazaro sa kaniyang nagawa. -- FRJ, GMA News