ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ryan Agoncillo on 3rd child with Judy Anne Santos: 'We got a kiwi baby!'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nitong nakaraang linggo lamang, pormal na ipinaalam ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ang pagbubuntis ng aktres sa ikalawang pagkakataon matapos nilang ampunin ang panganay na si Yohan at matapos ipanganak ang kanilang second baby na si Lucho noong 2010.

Kasunod ng magandang balitang ito, nagbigay ng update ang "Eat Bulaga" host tungkol sa pagbubuntis ng kanyang misis sa showbiz-oriented talk show na 'Startalk' nitong nagdaang Sabado.

Isa sa mga ibinahagi ni Ryan ang tila isang kumpirmasyon sa usap-usapang nabuo ang kanilang pangatlong anak habang nagbabakasyon silang mag-asawa sa New Zealand sa loob ng higit sa dalawang buwan nitong taon.

Natatawang sabi ng TV host at aktor, "Oo eh, mukha eh. Noong nagbilang parang sobrang sulit 'yung New Zealand. Sulit ang pamasahe. Yeah, we got a kiwi baby!"
 
Ikinuwento rin niya ang kanilang pasasalamat na hindi maselan ang pagbubuntis ni Juday sa ngayon, ngunit inamin ng aktres na mas nahihirapan siya ngayon kaysa noong ipinagbubuntis niya si Lucho.

"Sinasabi niya, parang iba daw ito mula nung kay Lucho. Kasi 'yung kay Lucho she had a very easy pregnancy. This time around, I think medyo may kaunting morning sickness siya but hindi naman siya huminto sa daily activities niya. 'Yung paglilihi parang wala naman, pero 'yun kain ng kain, maya't maya," ani Ryan.

Tungkol naman sa magiging kasarian ng kanilang panibagong baby, wala na raw partikular na hiling ang mag-asawa dahil mayroon na silang babae at lalaki sa katauhan nina Yohan at Lucho.

Dagdag pa ng proud at excited daddy na si Ryan, masaya na siya sa tatlong anak ngunit hindi naman daw niya sinasara ang kanyang pinto kung mayroon pang sumunod na biyaya.

Aniya, "Okay ako sa tatlo, si Juday tingnan natin kapag nanganak siya kung hihirit pa ng isa." — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News