Kumpanya ni Ricky Reyes, inireklamo ng empleyadong may HIV ng diskriminasyon
Isang hairdresser na may human immunodeficiency virus o HIV ang nagreklamo ng diskriminasyon laban sa kaniyang amo at kilalang celebrity hairstylist na si Ricky Reyes.
Ayon sa ulat ni Pia Arcangel sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing 10 taon nang hairdresser sa salon na pag-aari ni Ricky ang nagrereklamong si Rene Nocos, 48-anyos.
Kuwento niya, maganda ang pakikitungo sa kaniya ni Ricky kahit noong magkasakit siya ng tuberculosis. Pero nagbago raw ang lahat nang makumpirma na mayroon din siyang HIV.
“Nung may tuberculosis ako, pinagpahinga ako ng six months with pay. Okay naman, binigyan pa nga ako ng vitamins. Ito lang nga sa sakit ko na nga e...parang sarado yung isip niya sa sakit na HIV," ani Nocos.
Sa isang pahayag, itinanggi ng kumpanya ni Ricky ang paratang na diskriminasyon.
Inabisuhan daw ng kumpanya si Nocos na magpahinga habang nagpapagaling. Bukod dito, nagsara rin daw ang sangay ng salon kung saan ito nagtatrabaho.
Gayunman, humingi pa rin daw si Nocos ng kabuuang sahod na tinanggihan ng pamunuan ng kumpanya.
Ayon pa sa ulat, bukod sa diskriminasyon, naghain din si Nocos ng reklamong illegal dismissal, underpayment of wages and 13th month pay, at non-payment of holiday pay and separation pay sa National Labor Relations Commission (NLRC).
Hindi pa raw naglalabas ng pahayag at desisyon tungkol sa mga reklamo ni Nocos ang NLRC.
Tumanggi ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng pahayag tungkol sa naturang kaso.
Gayunman, sinabi ni DOLE spokesperson Nicon Fameronag, ang pagkakaroon ng karamdaman na maaaring magdulot ng panganib sa mga kasamahan sa trabaho ay maaaring gamiting dahilan para alisin sa trabaho.
Paglilinaw naman ng Department of Health (DOH), maaari pang magtrabaho ang mga persons living with HIV at hindi raw dapat mabahala ang kanilang mga kasamahan o mga pinagsisilbihan dahil hindi basta-basta nakakahawa ang naturang sakit.
Paliwanag ni Dr. Lyndon Lee Suy ng DOH, makukuha lamang ang HIV sa pamamagitan ng pakikipagtalik na hindi protektado, blood transfusion, paggamit ng hiringgilya na kontaminado na ng HIV. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News