Wally Bayola, ibinahagi ang sikreto sa pagganap sa mga karakter sa EB kalyeserye
Si Doktora The Explorer, si Lola Nidora, at ngayon si DuhRizz. Papaano nga ba nagagawa ni Wally Bayola na gampanan ang mga karakter na ito sa sikat na kalyeserye ng Eat Bulaga?
“Dati kasi sa teatro, halimbawa eto yung mga props, mga costume, may mga wig; May activities kami na kumuha ka lang ng mga gamit, impromptu," pagbahagi ni Wally sa panayam ng Startalk nitong Sabado.
“Tapos paglabas mo, iinterbyuhin ka nang facilitator na, ‘Sino ka?’ Kailangan alam mo kung sino ka, ano ka. Kailangan masasagot mo lahat na tanong," dagdag niya.
Dahil sa naturang karanasan ay nagiging mabilis umano ang kaniyang pag-iisip ng karakter gaya ng mga ginagampanan niya sa Eat Bulaga.
Labis din ang kasiyahan ni Wally na nakakapagpasaya siya ng mga tao pati na ang mga may karamdaman gaya ng kaniyang anak na sumasailalim sa chemotherapy.
Pero inamin ni Wally na may pagkakataon talaga sa serye na masama rin ang kaniyang pakiramdam dala na rin ng pagbago-bagong panahon na mainit at biglang uulan.
Samantala, ipinagtapat ni Wally na malaki ang pamilya Nidora kaya asahan na may iba pang karakter na lalabas at makikigulo sa AlDub love story nina Alden Richards at Maine "Yaya Dub" Mendoza.
Tungkol kay Lola Nidora, sinabi ni Wally na hindi pa mamamatay ang kontrabidang lola pero ibinisto niyang naniniwala rin ito sa "forever."
-- FRJ, GMA News