Boy Abunda, naging emosyunal na mawawala na ang 'Startalk'
Hindi naitago ng mga mata ng batikang showbiz host at talent manager na si Boy Abunda ang lungkot sa pagwawakas ng Kapuso talk show na Startalk matapos ang 20 taong paghahatid ng showbiz news.
Kabilang si Tito Boy sa mga original host ng Startalk nang una itong umere noong 1995. Pagkaraan ng apat na taon ay umalis siya sa programa pero nanatili ang pakikipagkaibigan niya sa mga taong nasa likod nito.
Sa panayam sa kaniya ng Startalk para sa finale episode nitong Sabado, Sept. 12, inamin ni Boy na malaki ang naging bahagi ng programa kung sino siya ngayon sa industriya ng showbiz.
Marami umano siyang natutunan sa pagganap bilang host at dito rin nagsimula ang sikat niyang "imaginary mirror" na pinakakausap niya sa kaniyang mga nakakapanayam.
"Ika nga doon ho talaga ako nagsimula, natuto, nahasa," ayon kay Tito Boy. "Doon nagsimula yung aking mahiwagang salamin, my imaginary mirror."
Pagsampol pa niya, "Ihaharap ko ang aking mahiwagang salamin, nariyan po kayo, ano ang nais ninyong sabihin."
Lubos ang paghanga ni Boy sa mga taong nasa likod ng Startalk dahil nagawa nilang makabuo ng showbiz news na matapang pero patas, at may puso at hindi nakakasakit.
Ayon kay Boy, kahit nung nawala siya sa Startalk, hindi nawala sa puso niya ang programa na naging bahagi ng kaniyang buhay kaya ikinalulungkot niya na mawawala na ito.
"Hindi ko lang dinanan 'to (Startalk), naging bahagi ng buhay ko," pahayag ni Tito Boy sa likod ng nanginginig niyang luha.
"Ang sakit-sakit pong isipin na mawawala na ang Startalk. It's painful," dagdag niya. -- FRJimenez, GMA News