AlDub at EB supporters, gumawa ng panibagong record
Bukod sa dami ng tweets at mataas na television ratings, gumawa ng panibagong record ang supporters ng Eat Bulaga at AlDub Nation nang basagin nila ang record sa first day ticket sales ng TicketWorld.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Sabado, sinabing base ito sa post ng official Twitter account ng TicketWorld tatlong oras matapos ianunsyo ang tungkol sa pagbili ng tiket para sa "Eat Bulaga Sa Tamang Panahon" na gaganapin sa Philippine Arena sa Bulacan sa October 24.
Wala umanong ibinigay na detalye ang TicketWorld kung magkano na ang nabentang tiket.
Pero bago nito, ilang netizens ang nag-post sa kanilang social media accounts na nag-crash ang website ng TicketWorld ilang sandali matapos ipaalam na puwede nang bumili ng tiket para sa pagkikita-kita sa Sabado.
Ang malilikom na pondo mula sa mga nabiling tiket ay gagamitin sa pagpapatayo ng mga tatawaging "AlDub library" sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Ang pagtitipon sa October 24 ay ang big surprise ni Lola Nidora sa kalyeserye episode kanina para kina Alden, Yaya Dub at AlDub Nation. -- FRJ, GMA News