AiAi Delas Alas on relationship with Gerald Sibayan: ‘Kapayapaan, finally’
Ibinahagi ni Comedy Concert Queen AiAi Delas Alas ang estado ng relasyon niya sa kasintahang si Gerald Sibayan sa episode ng “Sarap Diva” nitong nakaraang linggo.
Nagpapasalamat ang “Sunday Pinasaya” star at “CelebriTV” host dahil matapos ang ilang hindi matagumpay na relasyon sa kaniyang dating mga asawa, maganda na ang takbo ng pagsasama nila ng 21-year-old athlete.
Dalawang beses ikinasal ang Kapuso actress-- una sa singer-actor na si Miguel Rivera, at ikalawa naman sa businessman na si Jed Salang.
Magdadalawang-taon nang magkasintahan si AiAi at Gerald, at inamin ng aktres na malaki ang pasasalamat niya dahil tahimik ang buhay nila ngayon.
A photo posted by Gerald P. Sibayan (@gerald_sibayan) on
Aniya, "Awa ng Diyos, isa 'yan sa blessing ko na mabait naman si Gerald. Tahimik kami, kapayapaan finally."
Nang tanungin kung ano ang sikreto ng kanilang pagsasama, ayon sa batikang aktres at komedyante, “Siguro kasi sabi nga nila 'di ba may kasabihan na 'love is a decision.' Siguro kaya ganoon kasi dinecide ko na ito na 'yung last tapos ito na 'yung kuntento ako. Kuntento na ako doon sa ako sa kung ano'ng meron ako.”
“Sabi nga nila age is just a number so ninamnam ko na lang 'yun,” dagdag pa niya.
Sa hiwalay na interview, inamin rin ni AiAi na napag-uusapan na nila ni Gerald ang pagpapakasal, at nais umano ng Kapuso star ng isang malaking wedding na tulad ng sa Kapuso Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Ayon sa kaniya, “Oo naman, napag-uusapan na. Kaya lang, sabi ko nga, si Gerald kasi… lalaking-lalaki. Hindi 'yung basta na lang susugod. Siyempre gusto niya magwu-work siya. Gusto niya mag-ipon para sa kasal namin.” —Bianca Rose Dabu/KBK, GMA News