Tom Rodriguez, gaganap na senador sa indie movie para sa mga OFW
Hindi raw biro ang ginawang paghahanda ng Kapuso hunk na si Tom Rodriguez para sa isang advocacy film na magbibigay ng suporta sa mga itinuturing na mga bagong bayani-- ang mga overseas Filipino worker.
Sa Starbites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV's Balitanghali, sinabi ni Tom na gagampanan niya sa indie movie ang role bilang si Senador Juancho Magtanggol.
Sa pelikula, may malaking malasakit si Magtanggol sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Kuwento ni Tom, nanood siya ng mga pagdinig sa senador sa internet bilang bahagi ng paghahanda sa kaniyang karakter.
"I did watch a lot of Senate hearings online and at least, in a way, because of this project, it makes me more aware of our political situation din in the country and in a way it empowers me to do so," saad ng aktor.
Makakasama ni Tom sa pelikula ang batikang aktres na si Dina Bonnevie at ang bagong Kapuso star na si Kim Domingo.
Ipinahayag naman ni Tom ang paghanga kay Dina na inilarawan niyang down to earth at very approachable. -- FRJ, GMA News